Hindi magkamayaw ang halos isang libong katao na umindak at nakiisa sa Zumamba ngayong hapon, ika -27 ng Hunyo, 2023 sa SM City, Tuguegarao.
Dumagsa ang mga zumba enthusiast mula sa iba’t ibang regional offices, mga National government Agency, Non- Government Organizations, academe, local government units, district hospitals sa lalawigan at mga empleyado ng Kapitolyo.
Mas lalong pinainit pa nina Zin Joshua Zamora ng Manuevers at ang asawang si Jopay Zamora ng sex bomb ang entablado sa kanilang mga Zumba moves kasama ang mga Zin o mga retro fitness instructor na naggagalingang gumalaw at gumiling.
Maging si Gobernador Manuel Mamba at si Atty. Mabel Villarica- Mamba ay hindi nagpatinag sa kanilang mga galaw.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Gobernador na kailangang pangalagaan natin ang kalusugan at sa pamamagitan ng ating pag ehersisyo para sa ating puso, dapat marunong din tayong magmahal sa ating sarili at sa ating kapwa. ‘No pain,no gain’, ani Gobernador.
Nakiisa ring umindak ang dalawang bokal ng Cagayan na sina BM Rodrigo De Asis at BM Atty. Romeo Garcia, mga department at division head, at Consultants ng Pamahalaang Panlalawigan.
Tumagal ng dalawang oras ang walang tigil na zumba dance moves sa Zumamba 3.0 ngayong taon.
Ang nasabing Zumamba 3.0 ay inorganisa at pinangunahan ng Finance Department ng Kapitolyo sa pamamagitan nina Provincial Treasurer Mila Q. Mallonga, Provincial Budget Officer Reynald Raul Ramirez, Provincial Accountant Jeanna Garma at Provincial Assessor Emma Alice Pason.