Aasahang maipagkakaloob na ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) sa mga benepisaryo ang unang batch ng prosthesis ngayong darating na buwan ng Agosto.

Ayon kay Restituto Vargas, PWD Program Coordinator ng PSWDO, inaasahan na nitong darating na Agosto 10-11, 2022 ay darating na ang mga prosthesis na ipagkakaloob sa mga naunang na-assess na benepisaryo.

Noon pang taong 2019 aniya nasukat ang prosthesis at taong 2020 pa dapat umano maideliver ito sa nangangailangan subalit naudlot lamang dahil umano sa pandemyang dulot ng Covid-19.

Ngunit ngayong nagpapatuloy ang maluwag na alert level sa lalawigan ay napagdesisyunan na ng PSWDO at ng partner nitong Prosthesis and Brace Center-Tahanang Walang Hagdan, na i-deliver at magsagawa ng fitting at gait training sa mga benepisaryo upang malaman nila ang tamang pagsuot at paggamit upang sila’y maging komportable.

Laking tuwa naman ng pamunuan ng PSWDO dahil panibagong pag-asa umano ang maidudulot nito sa mga may kapansanan.

Samantala, sa pagsisimula ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week nitong Hulyo 17 na magtatatagal hanggang 23, ay magsisimula na rin umano ang pagpapakalat ng bawat ahensya o LGUs ng kanilang awareness campaign materials at iba pang methods para maipalaganap ang mga kaalaman tungkol sa kapansanan.

Alinsunod sa Proclamation No. 1870 (1970), na amended ng Proclamation No. 361 (2000) at Administrative Order No. 35 (2002), ang isang linggong kaganapan ay ginugunita taun-taon upang pasiglahin ang kamalayan ng publiko sa mga isyu at problema ng kapansanan, sa gayo’y hinihikayat ang bawat mamamayan ng bansa na magkaroon ng aktibong responsibilidad sa pag-angat ng kalagayang pang-ekonomiya at panlipunan ng lahat ng taong may mga kapansanan (PWDs) ng ating lipunan.

Kaugnay nito, kasabay ng paggunita sa NDPR Week, ay aasahan na rin ng mga benepisaryo ang pagbibigay ng pamunuan ng PSWDO sa unang anim na buwang tulong pinansyal sa mga PWDs.

Ang weeklong celebration ng ika 44th NDPR Week ay may temang “Working with Government in Achieving Equal Access to Education, Employment, and Livelihood towards Empowerment of Person’s with Disabilities.”