Pinuri ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre Bello III ang itinayong TUAO-TECO-MECO Village sa Barangay Lallayug, Tuao, Cagayan bilang huwarang relocation site sa buong bansa.

Namangha si Chairman Bello sa pinatayong relocation site ni Governor Manuel Mamba mula sa donasyon na ipinagkaloob ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) na nagsisilbi ngayong tahanan ng mga nawalan ng bahay bunsod ng kalamidad.

Ipinagmalaki pa ng kalihim kay TECO Representative Wallace Minn-Gan Chow na pambihira ang ginawang relocation site ni Gov. Mamba dahil isang komunidad na ang itinayo rito na maaaring tularan ng pambansang gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa bansa.

Ang TUAO-TECO-MECO VILLAGE ay isang tatlong (3) ektaryang komunidad na may bakod na binubuo ng 15-unit na apartment type na tahanan kasama na ang water system at elektrisidad.

Sa ngayon ay nakatira ang 15-pamilya na nawalan ng tahanan matapos gumuho ang kanilang tirahan sa nasabing komunidad matapos manirahan ng halos anim (6) na buwan sa evacuation center ng Tuao.

Kaugnay rito, ikinagalak naman ni TECO Representative Chow ang itinayong komunidad mula sa kanilang donasyon at tiniyak pa nito ang ibayo pang tulong sa lalawigan ng Cagayan.

Samantala, umaasa naman si Gov. Mamba na magsisilbing huwaran ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ang TUAO-TEC-MECO VILLAGE para sa kanilang mga itatayong relocation site.

Hinamon ng ama ng lalawigan ang mga alkalde sa probinsiya na magpatayo na ng mga relocation site dahil sadyang hindi na maiiwasan ang pagkakatibag ng mga pampang sa mga ilog bunsod ng problema sa kalikasan at pagbabago ng klima’t panahon.

Ang kailangan ngayon aniya ay pangunahan at gawan na ng solusyon ang mga kinahaharap na problema upang maagap itong matugunan para maisalba sa peligro ang mga mamamayan.

Bukas at handa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ani Gob. Mamba na tumulong sa abot ng makakaya nito tulad na lamang ng pagbabahagi ng program of work sa itinayong TUAO-TECO-MECO VILLAGE. ###