Sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ang tatlong araw na pagsasanay sa Geographic Information System (GIS) at Mapping ngayong Miyerkules, Mayo-03 hanggang Mayo 05, 2023 sa Villa Blanca Hotel, Tuguegarao City.

Ang nasabing pagsasanay ay makatutulong sa mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan upang mapabilis ang kanilang pag-analisa at paghahanap ng mga datos na kinakailangan ng kanilang mga tanggapan.

Ayon kay Ronald Calabazaron, Assistant Planning and Development Coordinator ng PPDO, mainam na pag-aralan ang GIS at mapping dahil kinakailangan ito sa usapin man ng imprastraktura, agrikultura, turismo, at marami pang iba.

“Napakaimportante sa planners ng PGC at mga ahensya ng gobyerno na magkaroon sila ng kaalaman sa mapping at GIS dahil wala ng plano na hindi nangangailangan nito.

Lalo na sa local route plan, agricultural plan, tourism plan, DRRM plan.

Ultimo nga funds para matukoy kung saan gagamitin, ay pwede ring i-attribute sa mapa,” pahayag ni Calabazaron.

Samantala, nabatid naman mula kay Ryan Bagasin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na mahalaga sa kanilang tanggapan ang mapping dahil sa pamamagitan nito ay mapapadali na rin nila ang kanilang disaster at emergency response dahil agad na nilang matutukoy ang mga taong nangangailangan ng tulong sa oras ng kalamidad.

Nagsilbing tagasanay ang dalawang empleyado ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region 2 na sina Donnabelle Maquimot at Charls Edwin Bagunu na kapwa Housing and Homesite Regulation Officer kung saan ilan sa kanilang itinuro sa unang araw ng pagsasanay ang may kinalaman sa Shapefile generation, Attribute table manipulations at marami pang iba.