Halos 2,000 mga benepisaryo ang nabigyan ng tulong sa isinagawang serbisyo caravan ng pamahalaan sa bayan ng Tuao.
Nasa kabuuang 1,723 ang nakinabang kung saan 539 ay mula sa barangay Bugnay, 296 naman mula sa Lakambini, 328 sa Mambacag, at 560 ay mula naman sa Barangay San luis.
Ilan sa mga ibinigay na tulong ang 1,000 food packs, dental supplies katulad ng gamot at libreng serbisyo mula sa mga dentista ng Provincial Health Office at 17th Infantry Batallion, Phil Army.
Nagbigay rin ng 500 forestry seedlings ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at vegetable seedlings mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Nabigyan rin ng tig-isang portasol o drying equipment ang apat na barangay.
Isinagawa rin ang feeding program para sa bata; pagpaparehistro ng simcard; pagtulong sa aplikasyon ng Oplan Visa at at libreng gupit.
Ang aktibidad ay sa ilalim ng “Retooled Community Support Program (RCSP) ng Department of Interior and Local Government (DILG) na naglalayong na maihatid sa laylayan ang mga serbisyo ng gobyerno na kailangan ng mamamayan sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
Matagumpay ang nasabing aktibidad sa pangunguna ng DILG Cagayan kasama na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, Local Government Unit ng Tuao sa pamumuno ni Mayor William Mamba, PNP, Phil. Army, at mga ahenisya ng gobyerno na kasama sa Whole of Nation Approach to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) katulad ng DOLE, DOH, DA, DENR, CHED, TESDA, DTI, DSWD, DepEd, at PhilHealth.