Muling itinanghal na kampeon ang Schools Division Office (SDO) Cagayan sa katatapos na Regional Schools Press Conference (RSPC) 2023 competition na ginanap sa bayan ng Lal-lo, Cagayan nito lamang Mayo 18-21, 2023.
Nanguna ang SDO Cagayan sa Individual Writing Contests, Group Contests, at School Publication na siyang dahilan upang itanghal na kampeon sa RSPC 2023.
Ayon kay Inocencio Carag, RSPC Coordinator ng SDO Cagayan, sinabi nito na masaya siya dahil nagbunga ang kanilang paghahanda sa lahat ng kategorya lalo na sa School Publication. Nagagalak din siya na muli silang tanghaling kampeon matapos ang tatlong taon.
“Kahit wala pong kompetisyon noong panahon ng pandemya ay hindi kami huminto sa kaiisip ng modality upang mas mapabuti ang pagsasanay ng mga mag-aaral bilang paghahanda para makamit muli ng SDO ang kampeonato ngayong muling isinagawa ang RSPC,” saad ni Carag.
Sasabak naman sa National Schools Press Conference (NSPC) ang lahat ng mga mag-aaral na nagwagi sa iba’t ibang kategorya na gaganapin sa Cagayan de Oro sa buwan ng Hulyo.
Samantala, nagpapasalamat naman si Carag sa tulong pinansiyal na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa paghahanda ng mga delegado sa RSPC.
Ang RSPC 2023 na may temang, “Matatag: Solidifying Resilient Communities through Campus Journalism” ay nilahukan ng siyam (9) na Division ng DepEd Region 02 na kinabibilangan ng SDO Cagayan, Batanes, Quirino, Nueva Vizcaya, Isabela, Santiago City, Ilagan City, Cauayan City at Tuguegarao City.
Layon ng RSPC na ipalaganap ang kaalaman patungkol sa tamang pangangalap ng balita at tamang pamamaraan sa paghahayag nito dahil ayon sa DepEd, mahalaga na malaman ito ng mga kabataan lalo pa at talamak ngayon ang pagkalat ng mga pekeng balita gamit ang social media.