Nagwagi ang Rural Improvement Club (RIC) Ballesteros sa ginanap na Exotic Foodfest 2023 at itinanghal na overall champion sa mga isinagawang aktibidad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa selebrasyon ng 440th Aggao Nac Cagayan.
Isinagawa ang Exotic Foodfest sa SM City Tuguegarao ngayong Linggo, ika-25 ng Hunyo kung saan ibinida ng RIC Ballesteros ang kanilang putaheng sisig salagubang, crispy frog kare-kare, crispy super worms, native chicken adobo in buko juice, at salad lotus flower na siyang dahilan para maiuwi nila ang premyong P30,000. Itinanghal rin silang overall champion matapos nilang maipanalo ang iba pang sinalihang aktibidad tulad ng Agri-Skills Competition, at Linubian Festival 2023 at tinanggap nila ang karagdagang P15,000 na premyo.
Ayon sa grupo, gagamitin nila ang kanilang napanalunan sa pagpapalago ng kabuhayan ng RIC Ballesteros tulad ng mga produkto ng kanilang bayan.
Nasungkit naman ng RIC Iguig ang pangalawang pwesto para sa kanilang ginataang palaka, kare-kareng bayawak, dinakdakang kuhol, ginataang bayawak, fried palaka, adobong palaka, at dinakdakang kuhol. Tumanggap naman ng P25,000 ang naturang grupo.
Habang ang RIC Calayan ang nakakuha ng 3rd place na may premyong P20,000 para sa kanilang pambatong ginataang wild snail, native chicken tinola, at ginataang sea snake.
Ang mga hindi nanalo sa tatlumpu’t anim (36) na mga kalahok na binubuo ng RIC, 4-H Club, at Agkaykaysa Organization mula sa iba’t ibang bayan ng Cagayan ay nag-uwi pa rin ng P5,000 at certificate of participation.
Nagsilbing hurado sa naturang patimpalak sina Captain Nonette B. Banggad, Civil Military Operation (CMO) Officer ng 77th IB; Lt John Garel Cunan, Acting CMO Officer ng 17th IB; Cagayan Provincial Information Officer Rogelio P. Sending Jr.; Staff Sgt. Junnel Ramos, CMO Officer ng 17th IB; at si LtCol Osmundo Mamanao, Chief Community Affairs ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na siyang chairman ng mga hurado.
Samantala, nabigyan rin ng pagkakataon ang mga manonood sa “eating contest” o paramihan ng makakain na exotic food. Nagwagi rito si Lito Tugagao ng Aparri, Cagayan na tumanggap ng premyong P15,000; Ahren Keil Maruquin ng Sta Ana na nag-uwi ng P10,000; at P5,000 naman kay Edwin Salazar ng Abulug, Cagayan.
Sa naging mensahe ni Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa sinabi niyang layon ng taunang exotic food competition na ipakita na ang kalabang peste sa mga pananim ng mga magsasaka ay maaaring maging pagkain, at pwede ring pagkakitaan.
Hinikayat naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang mga lumahok na pagbutihin ang pagluluto ng exotic food at palaguin ang mga local product ng bawat bayan sa probinsya upang maibenta ito sa mga karatig na bansa sa mga darating na araw.
“Importante na makarating ang mga niluluto natin, mga produkto natin sa ibang bansa. Itinda natin ang ating produkto sa ating mga kapit-bahay na mayayamang bansa. Kaya importante na mabuksan natin ang Port of Aparri sa pamamagitan ng inyong pakikiisa at suporta sa ating mga plano para sa ikauunlad ng Cagayan,” ani Gov. Mamba.
Samantala, ang nasabing aktibidad ay sinaksihan ng Unang Ginang ng Cagayan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba bilang steering committee chair ng 440th Aggao Nac Cagayan kasama ang ilang Consultant at Department Heads ng Kapitolyo ng Cagayan. Nakiisa rin sina Buguey Mayor Cerry Antiporda, Gonzaga Mayor Marilyn S. Pentecostes at ang maybahay ni Calayan Mayor Joseph M. Llopis na si Calayan First Lady, Myrna Llopis.