Hinangaan ni Fanibeth Domingo Regional Director ng Department of Tourism (DOT) Region II ang kagandahan at pagbabago na ngayon ng Cagayan Museum and Historical Research Center, na isa sa mga tourist destinations ng lalawigan.
Binanggit ito ni RD Domingo kasabay ng nalalapit na National Tourism Week sa Setyembre 21-27 na may tema ngayong taon na “Re-thinking Tourism.”
Ayon kay RD Domingo, na madalas ay mayroong iba’t ibang tema ang Cagayan Museum sa mga tampok na exhibits dito na mas lalong nagpapadagdag sa kagandahan ng museum na dahilan kung bakit ito binabalik-balikan ng mga turista.
Aniya, ang Cagayan Museum ay nagtatampok ng mga ipinagmamalaking yaman ng probinsya kasama na ang mga yamang kultural, kultura at tradisyon na ipinapakita sa pamamagitan ng iba’t ibang exhibit nito.
“Ang ganda ganda ng museum natin, napakagandang puntahan kahit balik-balikan mo,” pahayag ni RD Domingo.
Matatandaan, isa ang Cagayan Museum kasama na ang Rizal Park sa tinutukan ng Provincial Government ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba na patuloy na mapaganda upang mas lalong dayuhin at nang makilala ang mga ipinagmamalaking yaman ng Cagayan.
Kamakailan lang itinampok ang “Orientalia Cagayana” exhibit sa Cagayan Museum kung saan ipinakita ang ceramics collection ng lalawigan.
Ayon kay Kevin Baclig, ang Museum Curator, ipinapakita ng exhibit ang makasaysayan at mahalagang ugnayan ng bansang China at ang lalawigan ng Cagayan.
Samantala, ilan din sa ini-highlight ni Regional Director ay ang mga tourism circuit sa rehiyon na kinabibilangan ng “Feel the Vibe” ng Nueva Vizcaya, “Basket of Happiness” ng Quirino, at “Your Adventure Paradise” sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Aniya, lahat ng mga pook pasyalan na ito ay napakaganda dahil makapagbibigay ito ng kasiyahan sa lahat ng mga turista.
Kaugnay nito, tiniyak ni RD Domingo na lahat ng kanilang mga nabigyan ng DOT accreditation ay sumailalim sa inspeksyon lalung-lalo na ang pagpapatupad ng mga health protocols laban sa Covid-19.
Sinabi ni RD Domingo na bagama’t mayroon ng bagong inilabas na alituntunin ang Inter-agency Task Force kaugnay sa pagsusuot ng facemask sa outdoor areas, may mga limitasyon pa rin ito na kailangan pa ring sundin na maipapatupad sa mga namamahala ng mga pook pasyalan para sa kapakanan ng mga turista at empleyado.