Abala ngayon ang Provincial Veterinary Office o PVET sa pagsasagawa ng surveillance hinggil sa sakit ng mga alagang hayop na avian influenza o bird flu virus.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET, ngayong linggo ay nasa bayan ng Camalaniugan ang team ng PVET para sa blood collection ng mga pato, manok at pabo upang masuri kung ang mga ito ay apektado ng virus.
Nitong nakalipas na buwan ng Oktubre ay natapos na umano ang surveillance sa PeƱablanca, Gonzaga, Aparri, Sta. Ana, Buguey, Enrile, Sta. Teresita at Claveria.
Naging negatibo naman umano sa bird flu ang walong (8 bayan matapos ang lab test result ng mga nakolektang blood samples.
Dagdag pa ni Dr. Ponce na magtutuluy-tuloy ang ginagawa ng PVET sa lahat ng bayan upang matiyak na hindi nakapasok sa Cagayan ang nasabing virus.
Ang bird flu ay isang virus na karaniwang carrier nito ay mga wild aquatic birds sa buong mundo kung saan ay posibleng ma-infect dito ang domestic poultry at iba pang ibon at animal species tulad ng pato, gansa, manok at pabo.
Matatandaan na nagkaroon na ng kaso ng bird flu ang lalawigan ng Isabela, kasabay rin ng napaulat na maraming namamatay na mga manok sa Cagayan. Sa isinagawa rin na pagsusuri ng PVET ay napag-alaman na karaniwang sakit ng mga manok ang sanhi ng kanilang pagkamatay.