Patuloy sa paghahatid-serbisyo ang Cagayan Provincial Task Force to End Local Communists Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa mga liblib na lugar sa probisiya na dating apektado ng insurhensiya.
Sa datos ng Department of Interior and Local Government (DILG) Cagayan, umabot sa 195 na pamilya mula sa barangay Tamucco sa bayan ng Sto. Niño ang nabigyan ng iba’t ibang serbsiyo mula sa mga member agency.
Sa nasabing aktibidad, namahagi ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng tig-limang kilong bigas habang vegetables seedling naman ang ipinagkaloob ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), libreng feeds o pagkain ng mga alagang hayop ang ibinigay ng Department of Agriculture (DA), at serbisyong medical ang inihatid ng Provincial Health Office (PHO) katuwang Rural Health Unit ng Sto. Niño.
Tumulong din ang Philippine Army sa pamamagitan ng kanilang libreng gupit kasabay ng pamamahgi ng hanay ng Philippine National Police (PNP) ng libreng tsinelas at pagkain.
Kasama rin sa naturang serbisiyo caravan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na umalalay sa mga residente upang mairehistro ang kanilang mga simcard.
Kaugnay nito, nauna ng nahatiran ng kaparehong serbisyo ang halos 600 na pamilya sa mga barangay ng Mapitac, Lipatan, at Balanni na idineklarang insurgency-cleared barangays noong buwan ng Abril.
Samantala, kasama rin ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan sa paghahatid ng tulong katulad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Technical Educations Skills and Development Authority (TESDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agrarian Reform (DAR) at Commission on Higher Education (CHED).
Ang serbisyo caravan ay bahagi ng Retooled Community Support Program o RCSP para sa EO no. 70 to End Local Communist Armed Conflict na may layuning maibigay ang serbisyo sa komunidad ng mga insurgency-cleared barangay.