Patuloy na namamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PPC) sa pamamagitan ng pamunuan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng tulong pinansiyal sa children with special needs sa lalawigan.
Nitong nakalipas na buwan ng Disyembre noong nakaraang taon, ay nauna nang nabigyan ang nasa 435 na benepisaryo ng financial assistance ng mga PWD mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Mula sa bayan ng Alcala ay nakatanggap na ang 66 mula sa 78 na kabuuang benepisaryo, sa Amulung naman ay 69 na ang nakatanggap mula sa 80 na bilang, habang ang Aparri ay may 71 na nakakuha mula sa bilang na 77, sa Claveria ay 24 mula sa 28, Gattaran 55 naman ang nakatanggap mula sa 60, 63 naman ang nabigyan sa Gonzaga mula sa bilang na 70, at sa lungsod naman ng Tuguegarao ay nakakuha na ang 87 na PWDs mula sa kabuuang bilang na 100 benepisaryo.
Ayon kay Restituto Vargas, Social Welfare Officer III, ipagpapatuloy ng kanilang pamunuan ngayong buwan ng Enero ang pagbabahagi sa P6,000 tulong pinansiyal sa children with special needs na hindi nakakuha ng kanilang assistance noong Disyembre.
“Ipagpapatuloy natin ngayong buwan ng January ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga batang may kapansanan at espesyal na pangangailangan na hindi nakuha yung kanilang assistance nitong December. Hihintayin lamang natin ang go signal ng ating mga pinuno para maibahagi na din natin ito,” pahayag ni Vargas.
Bukod sa tulong pinansiyal, namahagi rin ang PSWDO ng mga assistive device tulad ng wheelchair sa mga PWDs na nangangailangan.