Nakatakdang isagawa ang “Provincial Interoperability Simulation Exercise” (PISE) ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Oktubre 12, 2022.
Ito ang napag-usapan sa naganap na pagpupulong ngayong araw, Oktubre-04 na pinangunahan ni Rueli Rapsing, Officer-In-Charge ng PDRRMO sa mismong tanggapan nito sa Tuguegarao City.
Paliwanag ni Rapsing, ang PISE ay isang pagsasanay kung saan susukatin ang kaalaman ng mga responders sa probinsiya sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Rapsing, ilan sa mga gagawing scenario ay kung paano ang pagresponde sa tuwing nakakaranas ng malakas na bagyo ang probinsiya.
Kasama rin sa scenario ang mga health worker para malaman ang kanilang agarang aksyon partikular sa mga evacuation center, lalo na’t mayroon pa ring kaso ng COVID-19.
Maging ang agarang pagresponde sa mga hindi inaasahan na pagkasira ng mga rescue vehicle lalo na kapag nakaranas ng pagbaha ay kasama din sa scenario.
Kaugnay nito, sinabi ni Ronald Villa ng Office of Civil Defense (OCD) Region 02, na silang nagbibigay gabay sa mga posibleng gagawin sa naturang aktibidad na napapanahon ito, lalo na ngayong huling quarter ng taon dahil madalas nang nakakaranas ng bagyo at pag-uulan na dulot ng amihan.
Aniya, malaking tulong ang gagawing aktibidad sa lahat ng mga responder at iba pang assisting agencies bilang paghahanda sa panahon ng kalamidad.
Sa naturang aktibidad, apat na quadrant ang bubuuin kung saan nahati-hati ang mga MDRRMO, PNP, TFLC, AFP, at District Hospital na tututukan ng Incident Management Team (IMT)
Kasama sa naturang pagpupulong sina Robert Umoso Jr. ng PHO, Engr. Alphero Palpallatoc ng PEO, Arnold Azucena ng TFLC, Jimmy Sicagan ng POPE, at mga kawani ng PDRRMO.