Opisyal ng nag-umpisa ang Private School Athletic Association (PRISAA) Regional Games 2023 na may temang “Enhancing Sports Excellence among the Filipino Youth” sa University of Cagayan Valley (UCV), Balzain, Tuguegarao City, Cagayan ngayong Martes, ika-09 ng Mayo 2023.
Sinimulan ang nasabing pagbubukas sa pamamagitan ng isang misa na ginanap sa Greyhounds Gymnasium ng UCV at sinundan naman ng isang motorcade.
Ayon kay Glen Cagurangan, Secretary General ng PRISAA 2023, kaabang-abang ang mga gaganaping aktibidad dahil hindi lamang sesentro sa isports ang PRISAA 2023, kundi magpapasiklaban din ang mga delegado mula sa 19 na member schools sa Rehiyon Dos sa socio-cultural activities tulad ng PRISAwitan, PRISAyawan, mutya ng PRISAA, at maging sa academic activity tulad ng oration.
Samantala, sinaksihan ni Provincial Administrator, Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba kasama ang ilang department heads at consultants ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) maging si Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que ang pormal na pagbubukas ng PRISAA 2023.
Ang PRISAA 2023 ay paghahanda para sa nalalapit na National PRISAA na gaganapin sa Zamboanga sa darating na Hulyo 13-19, 2023.