Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Natural Resources and Environment Office o PNREO Cagayan sa naganap na simultaneous bamboo at tree-planting activity sa Brgy. Lannig, Solana, Cagayan, ngayong araw, Setyembre-13.

Sa pangunguna ni Forester Robert Adap, hepe ng PNREO Cagayan, kasama ang mga Bantay Quarry Team ng PGC ay sinamahan ng grupo ang mga ahensiya ng DILG, DENR, DA, BFP, PNP at DOLE upang magtanim ng may 1,000 ibat-ibang klase ng punong-kahoy sa loob ng isang ektaryang lupain sa Brgy. Lannig, Solana.

Ayon kay Adap, aktibo ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagsama at pakikiisa sa mga ganitong klaseng aktibidad.

Aniya, nakakatuwang makita ang mga kawani ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan ay naglulunsad ng ganitong proyekto para sa kalikasan.

Dagdag pa ni Adap na ang mga ganitong proyekto ay suportado ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Manuel Mamba at kanyang hinihikayat pa ang ilang mga ahensya na gayahin ang naturang proyekto.

Matatandaan na inilunsad ang PGC sa pangunguna ni Gov. Mamba ng “I Love Cagayan River Movement” na may adhikain na pangalagaan ang Cagayan River at ang kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Samantala, sinabi din ni Adap na naaangkop umano ang temang “Buhayin ang Pangangalaga sa Kalikasan” sa naganap na tree-planting dahil naipapakita nito na ang pangangalaga sa kalikasan ay dapat nananatili at nasa puso ng lahat ng mamamayan. Ang aktibidad na naganap aniya ay isang tugon din sa programa ni Gob. Mamba na patuloy na pangalagaan ang kalikasan.