Tuloy-tuloy ang repacking ng bigas na isinasagawa ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente ng iba’t ibang bayan sa lalawigan na lubhang naapektuhan ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Bonifacio Cuarteros, Social Welfare Officer IV ng PSWDO, tulong-tulong ngayon ang ilang mga empleyado ng PGC sa repacking ng mga bigas at ilang mga food item upang mapadali ang tuloy-tuloy na relief efforts ng PGC para sa mga una ng nagrequest na mga LGUs para sa relief packs.
“Meron pa tayong sapat na stocks na bigas at canned goods. Patuloy din ang pagbili ng iba’t ibang klase ng relief supplies. Paspasan din ngayon ang aming repacking upang mabilis din ang ating pagbibigay tulong sa mga nasalanta dahil sa naranasan nating magkakasunod na bagyo,” pahayag ni Cuarteros.
Ani Cuarteros, naipamahagi na ng kanilang pamunuan ang mga donasyon na ipinagkaloob ng pamilya Villar sa pamamagitan ng kanilang SIPAG Foundation maging ang donasyon na kaloob ng PAGCOR at SN Aboitiz-Magat Power, Inc.
Dagdag din niya na muli namang magkakaloob ang PAGCOR ng mga relief packs sa PGC at aasahan ang dating nito sa mga susunod na araw. Saad din niya na mayroon na ring mga pribadong sektor ang nagpa-abot ng donasyon sa PGC para sa mga nasalanta.
Panawagan din niya na kung meron pang mga grupo, organisasyon at ahensiya na gustong magpabatid ng tulong, bukas ang PSWDO, Capitol Warehouse and Logistics Hub sa anumang donasyon para sa mga kababayang nangangailangan.
Pahayag rin ni Cuarteros na sapat pa ang stockpile na nasa Capitol at Sub-Capitol, Lal-lo Logistics Hub.