Pinagkalooban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunuan ni PSWD Officer Helen Donato ng fireproof jacket ang 214 na bumbero ng lalawigan.
Ang pagkakaloob ng naturang jacket ay ginanap kahapon, Pebrero-13 kasabay ng naganap na flag-raising ceremony sa Kapitolyo.
Mismong ang Provincial Fire Marshall na si FSupt. Angel Diquiatco Jr. ang tumanggap sa mga ito.
Labis naman ang pasasalamat ni Diquiatco sa PGC lalo na sa ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba sa kanyang walang patid na suporta sa mga bumbero ng lalawigan.
“On behalf of the fire fighters of Cagayan, provincewide, I would like to express our deepest gratitude for your support sir Governor.
Rest assured that your firefighters will continue our mandate and support all your endeavors in the Province of Cagayan,” sambit ni Diquiatco.
Samantala, inihayag naman ni Donato na kanilang sisikapin na madagdagan pa ang fireproof jacket na kanilang ibinahagi upang mabigyan ang nasa higit 500 na bilang ng mga bumbero sa buong lalawigan.
Umaasa rin siya na patuloy ang suporta ng BFP sa PGC partikular na sa usapin ng pagbibigay ayuda tuwing may kalamidad kung saan kailangan ang manpower lalo na sa packing at unloading of goods.
“Aside from their mandate, we do hope that BFP will continue to support the PGC in its call for help in terms of packing or unloading of goods during calamities.
Sinisiguro din natin sa ating BFP na ang PGC ay patuloy na magbibigay ng tulong sa kanila if they have request other than ibinigay natin,” saad ni Donato.
Ang mga fireproof jacket ay mula sa Children’s International na isang non-profit organization na nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan partikular sa mga bata sa pamamagitan ng kanilang mga programang laban sa kahirapan.