Nagkaloob ng food assistance nitong araw ng Linggo, Pebrero-05, ang Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa 107 na pamilya na apektado ng kamakailang kaguluhan sa pagitan ng tropang militar at ng rebeldeng grupo sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Kabuuang 107 na tig-5 kilos na bigas at 107 na family food packs na naglalaman ng assorted canned goods, gatas, noodles, kape at biscuit ang naipamahagi sa mga residente ng Sitio Birao, Hacienda Intal, sa naturang bayan.
Ang naturang pamamahagi ng food assistance ay bahagi ng serbisyo ng PGC bilang proteksyon sa mga Internally Displaced Person o IDP.
Matatandaan na nitong Pebrero-02 ay nakasagupa ng tropa ng 95th Infantry Battalion sa ilalim ng 501st Infantry Brigade ang mahigit kumulang 15 miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan at Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley at karamihan umano sa mga residente ay nangangamba sa kanilang kaligtasan dahil sa nangyaring labanan.
May ilan ding eskwelahan ang nagsuspindi ng klase at maging ang ilang may-ari ng tindahan ay pansamantala ring nagsara.
Ang mga naapektuhan ay inilikas ng mga otoridad at habang nagpapatuloy ang clearing operations sa naturang lugar ay patuloy din ang pamamahagi ng mga kinauukulan kabilang na ang Lokal na Pamahalaan ng Baggao, DSWD, at ng PGC ng mga pangunahing pangangailangan ng mga residente na hindi pa maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan.
Nakikiusap naman ang PSWDO sa mga residente na patuloy nilang sundin ang anumang anunsyo o direktiba ng mga otoridad upang maiwasan ang anumang disgrasyang dulot ng anumang kaguluhan.