Malugod na tinanggap ngayong araw, Abril-19 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) ang donasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na 200 foodpacks.
Mismong ang unang ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, kasama si Provincial Social Welfare and Development Officer Helen Donato ang tumanggap sa naturang foodpacks na naglalaman ng delata, bigas, kape, bitamina at vegetable seeds.
Ipinaabot naman ni Atty.Villarica-Mamba ang kanyang pasasalamat sa NGCP sa pamamagitan ng kanilang kinatawan na si Princess Catherine Santiago, Lead Specialist ng NGCP, sa tulong na kanilang ipinamahagi sa PGC.
Makakaasa naman ang PGC ani Santiago na ang NGCP sa pamamagitan ng kanilang “Project Tugon” ay katuwang sa pagbibigay ng tulong lalo na sa mga apektado ng anumang sakuna o kalamidad.
Samantala, sinabi naman ni Donato na ang naturang foodpacks ay ipapamahagi nila sa 32 households sa bayan ng Tuao na nawalan ng tahanan nitong nagdaang bagyo na hanggang sa ngayon ay nakatira pa rin sa evacuation center.
Ang “Project Tugon” ng NGCP ay may layuning tulungan ang bawat Lokal na Pamahalaan sa pagtugon nila sa pangangailangan ng bawat pamilya o indibidwal na labis na naapektuhan ng anumang sakuna.
Bukod naman sa PGC ay nauna ng napagkalooban ng grupo ang LGU Tuguegarao City at LGU Peñablanca, Cagayan.