“Isang pamilya tayo.” Ito ang binigyang diin ni Governor Manuel Mamba sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng “Paskong Cagayano sa Kapitolyo” 2022 celebration ngayong unang araw ng Disyembre.

Sa mensahe ng ama ng lalawigan, sinabi nito na ang lahat ng Cagayano ay dapat bahagi ng paglago ng lalawigan. Ang bawat sakripisyo at paghihirap na ginagawa para sa probinsya ay para sa susunod na henerasyon.

Aniya, dapat ngayon pa lamang ay mapagtanto na ng bawat Cagayano na ang bawat isa ay may obligasyon sa susunod na salinlahi.

“The birth of Christ is a completion of a family, and that is why lagi kong sinasabing pamilya tayo. Pamilya tayo dito sa Provincial Government, pamilya tayo sa bawat pamilya, pamilya tayo sa ating probinsya mismo.”

Samantala, isang mainit na pagbati naman ang inihatid ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang unang ginang ng lalawigan na siyang Committee Chair sa preparasyon ng “Paskong Cagayano” sa pagbubukas ng selebrasyon. Siya ang siyang nanguna sa pagdisenyo, pagpaplano at pagbuo ng konsepto para sa paskuhan ngayong taon.

Napuno naman ng liwanag at ningning ang buong Capitol grounds matapos na sabay sabay na pailawan ng bawat opisina ang kanilang inihandang Christmas light decorations na hango sa Paskong pang-Cagayano. Kaalinsabay nito ang pagbubukas din ng ilaw sa iba’t ibang tanggapan ng Provincial Government of Cagayan sa buong lalawigan kasama na ang Rizal Park, Provincial Library, mga Visitors Pavilion, mga district hospital at ang Sub-Capitol.

Bago ito, isang symphony of lights ang itinanghal kasabay ng pagpapailaw sa main building ng Kapitolyo.

Harana at sayawan ang inihandog ng lupon ng talentadong empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa kanilang Musical Extravaganza.

Nagbigay aliw din ang Philippine Army band at ang winners ng dance competition sa elementarya at sekondarya na mga eskwela mula sa bayan ng Tuao.

Sa huli, isang fireworks display ang natunghayan ng bawat isang dumalo sa nasabing aktibidad.

Kasama sa pagdiriwang sina Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Board Members Rodrigo De Asis, Atty. Romeo Garcia, at Christian Ursua, maging sina CPPO Chief Pol. Col. Julio Gorospe, Philippine Army, mga opisyal ng LGU Tuao, PGC Retirees Association Officers, at mga media.

Masisilayan ang pailaw sa Kapitolyo simula ngayong araw hanggang December 31, 2022. Antabayanan din natin ang pagbubukas ng Banchetto at mga pailaw at dekorasyon sa Cagayan Sports Complex sa December 5.

#PaskongCagayano