PA ATTY. MAMBA-VILLAFLOR, HININGI ANG SUPORTA NG MGA OFWS SA CAGAYAN INTERNATIONAL GATEWAY PROJECT
“Mahirap pero kakayanin. Sana dito na lang siya nagtrabaho”. Ito ang mga salitang binitawan ng isang Overseas Filipino Worker( OFW) at asawa ng OFW, kasabay ng isinagawang Regional Migrant Fair 2022 na ginanap sa Coliseum ng Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City ngayong araw, December 02, 2022.
Sa panayam kay Marilou Telan at Alyas Efren, kapwa residente ng barangay Linao West sa lungsod ng Tuguegarao, sinabi nila na mas mabuti sana kung dito na lamang sa Pilipinas magtrabaho at hindi na kailangang magtungo pa abroad. Sinabi ni Telan na dalawa silang mag-asawa na pumunta ng abroad upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang tatlong anak na nag-aaral sa ngayon. Sinabi naman ni alyas Efren na dahil sa pag-abroad ng kanyang asawa ay nagkaroon ng lamat ang relasyon nilang mag-asawa.
Dahil sa ganitong sitwasyon ay muli namang hiningi at hinimok ni Provincial Administrator, Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor ang mga OFWs at pamilya na suportahan ang Cagayan International Gateway Project (CIGP). Ipinaliwanag ni Atty. Mamba-Villaflor na ang CIGP ay magbibigay ng malaking oportunidad sa mga Cagayano at mga malalapit na probinsiya.
Aniya ito ang rason kung bakit ninais ni Governor Manuel Mamba na isama sa “CAGANDA 2025” ang pagtatayo ng International Seaport at Airport na tiyak makapagbibigay ng trabaho. Ito rin aniya ang hangad ni Gob Mamba na wala nang kailangang mag-abroad dahil mayroon na ring trabaho na may nararapat na sahod para sa lahat.
“Isa sa mga pangarap ng ating mahal na Gobernador, hindi na sana umaalis ang mga OFWs. We always support to your dreams for your families. We want decent livelihood, decent wages to fulfill dreams for ourselves and family. This is why mayroong Cagayan International Gateway. Kaya kami po ay humihingi at umaapela sa inyo na sama -sama para sa ating pangarap. This is why sinabi ng ating mahal na Gobernador na ‘dream with me’,” saad ni Atty. Mamba-Villaflor.
Samantala, iba’t ibang pakulo naman ang inihatid ng mga ahensiya para sa mga OFWs katulad free registration sa PhilHealth, SSS, free consultation ng Provincial Legal Office, raffle draws, maging ang freebies mula sa Commission on Filipinos Overseas, OWWA, PAGIBIG, DOH, DTI, at DSWD.
Ang migrant fair ay isinagawa para sa mga ofws sa Cagayan bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga makabagong bayani ng bansa.
Kasama rin nasabing aktibidad si Cagayan PESO Manager Mylene Peralta, Atty. Renz Umambong bilang kinatawan ni Mayor Maila Ting-Que, Joel Gonzales ng DOLE, TESDA Cagayan Romeo Talosig, DOT R02 Fanibeth Domingo at mga OFWs sa Cagayan.