Binuksan na ang “Paddarafunan Trade Fair” ngayong araw ng Linggo, Hunyo-25 sa Mamba Gym, Tuguegarao City sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba na bahagi ng pagdiriwang ng ika-440 Aggao Nac Cagayan.

Ito ay inorganisa ng Cagayan Tourism Office (CTO) at ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na dinaluhan ng mga alkalde, bise-alkalde, at councilors, ng iba’t ibang bayan sa lalawigan. Nakiisa rin ang mga department head at consultant ng Kapitolyo ng Cagayan maging ang kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno, mga uniformed personnel at mga Cagayano.

Tampok sa naturang trade fair ang One Town, One Product (OTOP) ng bawat bayan at ang iba pang produkto ng mga exhibitor.

Kaugnay rito, sumentro ang mensahe ng ama ng lalawigan sa kanyang hangarin na buksang muli ang lalawigan sa mga mayayamang bansa dahil aniya, napakaraming magagandang produkto ang lalawigan na hindi nabibigyan ng pansin sa merkado.

“Mga palay at mais yung laging nabibigyang pansin lang sa ating merkado, but how about those other products na kaya namang makipagsabayan sa mundo? Hindi napapansin, kaya ito yung pangarap ko sa muling pagbubukas ng ating lalawigan sa international market. Maraming mga mayayamang bansa ang nangangailangan ng produkto natin at napakalapit lamang natin sa kanila. Kaya samahan ninyo ako sa pagsasakatuparan ng pangarap kong ito, dahil hindi ko ito magagawa kung wala kayo,” ani Gob. Mamba.

Sinabi naman ng Unang Ginang at Chair Steering Committee ng Aggao Nac Cagayan na si Atty. Mabel Mamba na ang tema ngayong taon na, “Gapu iti Panagkaykaysa, Balligi Inpaay na,” ay sumesentro sa tagumpay ng bawat Cagayano sa pagharap sa anumang kalamidad at pagsubok sa probinsiya.

“All our activities are being organized and managed by our very own men and women of the Provincial Government of Cagayan. Isang pagdiriwang na inihanda ng mga Cagayano para sa Cagayano. It is our 440th year and there is so much to be thankful for. We have been through a lot, both natural and manmade calamities, but we are able to emerge victorius with our unity and strong faith in God. Mabuhay Cagayan, mabuhay Cagayanos, Happy Aggao nac Cagayan,” masayang pagbati ng Unang Ginang sa lahat ng nakiisa sa aktibidad.

Samantala matapos ang pormal na pagbubukas ng trade fair ay sinundan ito ng isang misa na pinangunahan ni Msgr. Benjamin Lasam.

Ang Paddarafunan Trade Fair ay magtatagal hanggang Hulyo-02 kung saan gabi-gabing magtatanghal ang mga local band at dito ring gaganapin ang finals ng Cagayan Singing Idol Season 3 bukas, Hunyo-26.