BAYAN NG BAGGAO, KAMPEON SA DANCE PARADE AT SHOWDOWN; NAG-UWI NG P1.2 M PREMYO!
Naging highlight ng mismong anibersaryo ng lalawigan ng Cagayan o Aggao Nac Cagayan ngayong araw, June 29, 2023 ang “Pabbarayle” Festival Dance Competition- isang dance parade showdown ng iba’t ibang bayan sa Cagayan.
Ito ay pinangunahan nina Governor Manuel Mamba; Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang Unang Ginang ng lalawigan at ang Chairperson ng Aggao Nac Cagayan 2023 Steering Committee; Arnold Alonzo, Co-chairperson ng Aggao Nac Cagayan 2023 Steering Committee; Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator; at Jenifer Junio-Baquiran, Officer-in-charge ng Cagayan Provincial Tourism Office.
Nagtagisan sa pagpapakita ng kanilang mga kultura, tradisyon, at kaugalian sa pamamagitan ng pagsayaw at pag-indak sa live music, at paggamit ng costumes at props ang mga bayan ng Gonzaga (Dawa Festival), Enrile (Peanut Festival), Allacapan (Apit Festival), Baggao (Agta Festival), Sta. Ana (Viray Festival), Tuao (Sukulati en Sinabalu Festival), Pamplona (Naregta Festival), at ang siyudad ng Tuguegarao (Afi Pavvurulun Festival) sa Oval Track ng Cagayan Sports Complex.
Sentro rin ng “Pabbarayle” ang mga mutya ng bawat bayan na sumabay sa pagsayaw.
Itinanghal na kampeon ang Baggao, na isang back-to-back peat. Nag-uwi ang kampeon ng P1.2 milyon na premyo kung saan ang P1 milyon ay nakalaan sa tourism project na ipattupad ng bayan, at ang P200,000 ay ang kanilang cash prize.
Ang 1st Runner-up ay iginawad sa Sta. Ana. Kahahating milyon naman ang kanilang naiuwi bilang premyo sa tourism project at P100,000 naman bilang cash prize.
Ang bayan ng Allacapan ang itinanghal na 2nd Runner-up na may tourism project worth P300,000 at cash prize naman na P50,000.
Nag-uwi naman ng consolation prize na P20,000 ang iba pang mga bayan.
Itinanghal na Mutya ti Cagayan ang mutya ng bayan ng Sta. Ana. Ang special prize nito ay P10,000; gayundin ang Most Disciplined na naigawad sa Tuguegarao City, at Best in Overall Production Design sa bayan naman ng Tuao.
Nagsimula ang “Pabbarayle” sa isang welcome message mula kay Junio-Baquiran, bilang Committee Head ng Pabbarayle. “Welcome to the vibrant and captivating Pabbarayle Festival Dance Festival 2023!” bungad niya. Aniya, ang aktibidad na ito ay selebrasyon ng makulay na kultura at tradisyon ng iba’t ibang bayan sa Cagayan.
Ang pagsasayaw aniya, ay hindi lamang pagpapakita ng talento at husay, ngunit ito ay may mas malalim na kahulugan na nakaugat sa ating kasaysayan at kultura. Binigyan-diin niya na ang pagpapahalaga at pangangalaga sa kultura ay mahalaga, at napaka-importante ang mga lider na may adhikain na ganito tulad ni Governor Manuel Mama, ang ama ng lalawigan na puspusan ang pagtulak sa mga programang nakatuon dito.
Samantala, naging opening salvo ng dance parade ang sabay-sabay na pagsasayaw ng lahat ng bayan sa tugtog ng “Endless Fun in Cagayan.”
Sa kanyang mensahe, sinambit ni Atty. Villarica-Mamba na napakasarap maging Cagayano sa mga panahong ito. “Ano man ang pagsubok basta nagkakaisa, kaya nating mga Cagayano. Ang selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan ay handog ng Cagayano para sa Cagayano. Happpy Aggao Nac Cagayan!Mabuhay ang Cagayan!” ang pagbati ng Unang Ginang.
Namangha naman si Gov. Mamba sa ipinakitang opening salvo ng mga contingent ng Pabbarayle. Inihalintulad niya ito sa konsepto ng pagkakaisa, kung saan iba-iba man, aniya ang pinanggalingan ay iisa ang tugtog at sayaw. “It is important to preserve our cultural identity. Ito ay tugon natin sa kasayasayan natin. But, where there is no vision, the people will perish. Kung wala tayong plano, walang mangyayari sa atin. What is important is to plan for the future of Cagayanos and Filipinos. This must do this for our children and our childen’s children,” diin ni Gob. Mamba.
Pinasalamatan din ng Gobernador ang lahat ng sumali sa Pabbarayle at kanyang kinilala ang sakripisyo at hirap ng mga kabataang mananayaw.
Ang naging batayan sa pagpili ng mga nanalo ay ang pagtatala sa dalawang kategorya: Dance Parade (30%) at ang Showdown (70%).
Ang mga naging hurado ay sina Robert Ramirez Jr. ang City Tourism Officer ng San Jose del Monte, Bulacan, isang performing arts at stage director; Dr. Larry Gabao, Vice Head at ang dating Head ng National Committee on Dance ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA); at Archie Dema-ala, Founding Director ng La Manila Dance Ambassadors and Rondalla at ang Dance Director ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Naging Floor Directors naman si Prof. Chita Ramos at Vincent Dammay ng aktibidad. Ang “Pabbarayle” ay dinaluhan ng mga opisyal sa labas at loob ng lalawigan, mga alkalde, bise-alkalde, at sangguniang members ng mga bayan; department heads at consultants ng PGC, media, mga bisita, at mga manonood.