Nakatakdang masimulan at magagamit na ang P91 milyong halaga ng proyektong imprastraktura na ipapatayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa islang bayan ng Calayan.

Ito ay matapos ang groundbreaking ceremony sa mga proyekto sa iba’t-ibang barangay katulad ng Multi-purpose building sa barangay Magsidel at Dibay kung saan nagkakahalaga ng P3.8M ang bawat isa.

Ganoon na rin ang ipapatayong Hospital sa Brgy. Poblacion na pinondohan naman ng P14.5 milyon.

Mismong si Governor Manuel Mamba, kasama si Calayan Mayor, Joseph Llopis, Provincial Engineer Kingston James Dela Cruz at ilang mga department head at opisyal ng Calayan ang nanguna sa groundbreaking ng naturang mga proyekto.

Bukod dito ay pinangunahan din ni Gob. Mamba ang pagpapasinaya sa Cabudadan Road na nagkakahalaga ng P4,990,959.30 milyon at Dibay-Dilam Road na nagkakahalaga naman ng P9,917,060.61 miylon.

Sinimulan na rin ang pagsasagawa sa Government Center sa isla ng Camiguin na pinondohan ng halagang P20 milyon. Ang pagtatayo ng nasabing proyekto ay upang mailapit ang sebisyo ng gobyerno sa mga Calayanos.

Ilan pa sa mga pinasinayaang proyekto sa naturang isla ay ang nakongkretong daan sa barangay Poblacion na nagkakahalaga ng P4,957,889.18; Naguilian-Calayan Road na nagkakahalaga naman ng P4,957,889.18; Minabel-Pagitpitimorol road na pinondohan ng P4,959,904.41; Calayan circumferential road na nagkakahalaga naman ng P9,981,265.36 milyon at ang Camiguin circumferential road na nagkakahalaga ng P9,982,011.93 milyon.

Nasa kabuuang P91,846,980 ang inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) na pondo para sa mga proyekto sa naturang isla.

Ang lahat ng ito ayon sa ama ng lalawigan ay upang maihanda ang Isla sa larangan ng Turismo dahil nakikita umano niya ang potential na maging isang World Tourist Destination ang lugar.

“We will help you to grow bigger than your own now. Marami pa kaming plano. Because it is our obligation to dream together and be all together in achieving this dream. With your PGC Family, we will help you in plan things together with your capable officials, haan you lang dadailen ti panagkakaykaysa yu,” pahayag ni Gov.Mamba.