Nagsanay ang mga magsasaka sa Iguig hinggil sa corn silage o pagbuburo ng mais sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung ngayong araw, Septembre-6.
Ayon kay Provincial Agriculturist Pearl P. Mabasa, ang isang araw na training ng nasa 30 magsasaka ay nabigyan ng kaalaman sa pagbuburo ng mais upang maging pagkain ng mga alagang kalabaw, baka, at kambing sa panahon ng tag-araw.
Layon rin aniya ng pagsasanay na mapakinabangan ang mga nasirang mais ng nagdaang bagyong Florita.
“Simple lamang ang proseso ng corn silage. Ang mga nasirang mais dahil sa bagyo ay gagamitan lamang ng chopper, ilalagay sa matibay na plastik, iba-vacuum ang hangin para hindi masira at i-stock lamang ng 3 weeks o kahit ilang buwan,” paliwanag ni Mabasa.
Maaari rin umano na dagdag ito sa kita ng magsasaka dahil kapag maraming magagawang corn silage ay ibinibenta ito para pagkain ng mga hayop sa tag-araw o sa pagkakataon na kapos sa pagkain ang mga hayop.
Sinabi pa ng Provincial Agriculturist na lahat ng corn farmers na nais matututo sa pagbuburo ng mais ay bukas ang Cagayan Farm School para sa kanila.
Gayunman ay inuuna lamang ang mga bayan na malapit sa Aguiray, Amulung at itatakda rin ang kanilang pagsasanay.