Naging matagumpay ang pagsasagawa ng mga aktibidad ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) bilang bahagi ng pagdaraos sa National Library Day ngayong araw ng Huwebes, Marso 09, 2023 sa CPLRC Building, Caritan Sur, Tuguegarao City.
Ang naturang mga aktibidad ay ang Awarding ng mga nagwagi sa Short Story Writing Contest na inilunsad ng CPLRC nitong Pebrero-20 kasabay ng selebrasyon ng ikalawang anibersaryo ng “I Love Cagayan River Movement”; Launching ng CPLRC Technology kung saan ipinakita kung paano gamitin ang book drop-off machine at sanitizing machine na bagong teknolohiya na ginagamit ngayon Library; at ang panghuli ay ang Unveiling ng Munting Aklatan ng Bayan na siyang ilalagay naman sa bawat Pavillion ng lalawigan na matatagpuan sa Gattaran, Lallo, at Ballesteros.
Ang 3-in-1 activity ng CPLRC ay pinangunahan ni Atty. Charo Mamba-Villaflor, Provincial Administrator bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba kasama sina Provincial Librarian Michael Pinto, Museum Director-Curator Kevin Nino Baclig ng Cagayan Museum and Historical Research Center, Cagayan Tourism Officer Jenifer Junio-Baquiran, at Sally Vitug at ilang mga empleyado mula sa Electronics Information Solutions Incorporated (EISI) sa pangunguna ng kanilang CEO at President na si Myrna Fe Avila bilang supplier ng technology integration ng CPLRC.
Sa kanyang mensahe ibinahagi ni Pinto na kung anuman ang nakikita ngayong pagbabago sa anyo ng library ay hindi pa umano iyon ang hangganan, sapagkat marami pa aniyang mga inobasyon na isasakatuparan. Binati din ni Pinto si Gob. Mamba sa pagkapanalo nito sa kasong inihain laban sa kanya at aniya ay napakabuti ng Panginoon dahil sa pamamagitan nito ay maipagpapatuloy pa ng ama ng lalawigan ang kanyang suporta para sa mga hangaring inobasyon sa library.
Sinang-ayunan naman ni Atty. Mamba-Villaflor ang inihayag ni Pinto sa kanyang mensahe at sinabi na si Gov. Mamba bilang isang lider ay para ring isang ama na sumusuporta sa mga pangarap ng kanyang mga anak. Kagaya ng kanyang ginagawang suporta sa kanyang mga Department Head na anuman ang mga naisip nilang inobasyon sa kani-kanilang hawak na programa o aktibidad ay buong puso niya itong sinusuportahan.
“We thank the Lord because Governor Mamba won the case filed against him. And we also thank him dahil tulad nga ng sinabi ni sir Mike, wala ang lahat ng ito na nakikita natin sa library kung hindi dahil sa walang sawa niyang suporta sa kanyang mga Department Head. Para siyang tatay na sumusuporta sa anak para magtagumpay. Di ba? Kasi kung walang suporta ang isang ama sa atin, ano ang patutunguhan natin bilang anak? So that is our Governor. He is very supportive to his employees,” punto ni Atty. Mamba-Villaflor.
Naghayag naman ng mensahe ng pagkahabag si Baclig na isa ring nagsilbing hurado sa story writing contest dahil sa kakaibang antas ng literacy sa lalawigan.
“Nakakahabag at nakaka-proud maging isang Cagayano dahil nabibigyan pansin ngayon ang literacy, culture at sining sa lalawigan. It makes me proud because it speaks of the quality of life that we have achieved here in Cagayan through the initiative and effort of our Governor Manuel Mamba,” pagbabahagi ni Baclig.
Isinaad din ni Baclig na kumpara sa ibang lalawigan ay hindi nabibigyang pansin ang library at museum subalit sa administrasyon ni Gov. Mamba ay muling naisilang ang karunungan, kultura, at sining at nakakamangha aniya ang napakataas na antas ng literacy sa Cagayan at patunay lamang dito ang mga ipinamalas na galing ng mga lumahok.
Nagpapasalamat naman si Baquiran sa Munting Aklatan ng Bayan na ilalagay sa mga Visitor’s Pavilion ng lalawigan dahil ito na naman aniya ang una sa larangan ng turismo sa lalawigan.
Pinuri naman ni Avila ng EISI ang pamumuno ni Governor Mamba dahil sa dinami-rami umanong mga lalawigan na kanila nang unang binisita ay dito lamang sa Cagayan ang binibigyang prayoridad ang inobasyon sa mga pampublikong aklatan
“As a company of library technology, we are disappointed sa walang support sa ibang library. Kaya naman matindi ang aming paghanga sa inyo pong Gobernador na kahit hindi ko man po siya kilala nang personal ay matindi na ang aking paghanga dahil nakikita naman po namin iyan sa pamamagitan ng library na mayroon kayo,” saad ni Avila.
Samantala, ang mga nagwagi naman sa story writing contest ay ang sumusunod:
1st Place – Cherry Joy Tattao, “Ubag: The Guardian of the River” na nagwagi ng P10,000
2nd Place – Mark Adrian Guillermo, “Ang Huling Bantay”, P7,000
3rd Place – Alfa Kleramie Gatchallian, “How Ubag Became the Legendary Guardian of the Callao Cave” na nagwagi naman ng P3,000.