Masayang nakilahok ang Cagayano artists at art enthusiasts sa malayaang pagpipinta sa naganap na Art Workshop na handog ng Cagayan Museum and Historical Research Center, Cagayano Artists Group, Inc. (CAGI), at SM Center Tuguegarao Downtown kanina, Hunyo 12, 2023, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Bahagi pa rin ito ng mga aktibidad sa buong buwang selebrasyon ng 440th Aggao Nac Cagayan.

Pinangunahan naman ni Niño Kevin Baclig, Cagayan Museum Curator; at ni Lucio P. Taguiam Jr., CAGI President, ang pagbubukas ng art workshop.

Ayon kay Baclig, taon-taon ay naging tampok na ang mga obra ng mga Cagayano artist sa Aggao Nac Cagayan.

Isa aniya sa mga adhikain ng Cagayan Museum ang maipakita ang husay at galing ng mga manlilikhang Cagayano sa iba’t ibang larangan, hindi lamang sa visual arts.

“Isa sa mga programa ni Governor Manuel Mamba ay ang pagpapalago ng kultura at sining sa lalawigan.

Masugid ang ating ama ng lalawigan sa pagsuporta ng mga proyektong ganito dahil alam niya na bahagi ang kultura at sining sa pagkakaroon natin ng pagkakakilanlan at sa pag-usad patungo sa patuloy na pag-unlad.

Noong nakaraang taon ay nagkaroon din ng art workshop sa selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan na dinumog ng bata at matatandang Cagayano artists. Isa ito sa mga inaabangang aktibidad,” sambit niya.

Ani Baclig, ngayong taon lamang ay apat na malalaking art exhibit na ang naisagawa nila sa lalawigan.

Katuwang naman ng Cagayan Museum ang CAGI sa paghatid ng makulay na Araw ng Kalayaan sa mga manlilikha, kasama ang kani-kanilang pamilya at barkada.

Iba’t ibang mga likha na puno ng kulay ang maipamalas ng lahat ng lumahok.

Gaganapin din ang isa pang art workshop sa Robinson’s Place Tuguegarao sa Hunyo 17, 2023. Tulad ng naganap na aktibidad ngayong araw, libre ito para sa lahat ng gustong sumali.