Umaabot sa 33,678 na kabataang Cagayano ang naging benepisyaryo sa 4th tranche ng “MagSAKAbataan Program” ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Ang 4th tranche ng pamamahagi ng mga gulay ay nagsimula noong March-9 taong kasalukuyan at patuloy na isinasagawa sa mga bayan sa probinsya. Kinabibilangan ito ng ilang barangay sa mga bayan ng Tuao, Piat, Alcala, Iguig, Amulung, Baggao, Allacapan, Gonzaga, Sta. Ana, Camalaniugan, Gattaran, Solana, Enrile, Calayan, Buguey, at Sta. Teresita, Cagayan.
Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa, ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng mga punla ng gulay tulad ng talong, sili, kalabasa, kamatis, ampalaya, patola, at upo na kanilang itatanim at pararamihin sa kanilang mga bakuran.
Ang “MagSAKAbataan para sa CAGAYAN at Kinabukasan” ay inisyatibo ni Governor Manuel Mamba na nasa ilalim ng programang No Barangay Left Behind (NBLB). Layon nito na ipakita sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-aalaga at pagtatanim ng mga gulay na pangunahing kailangan sa panahon ng krisis.