Isinagawa ng Provincial Veterinary Office (PVET) ang kick-off ng Rabies Awareness Month kahapon, Marso-01, sa Sta. Cagayan. Kasabay nito ang massive rabies vaccination at libreng kapon at ligate sa mga alagang aso at pusa.
Sinabi ni Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET na nagkaroon ng motorcade sa pangunguna ni Municipal Agriculturist Richard Alibania. Sinundan aniya ito ng massive vaccination sa Barangay Rapuli at Centro ng naturang bayan kung saan ay nasa 361 na mga hayop ang nabakunahan ng anti-rabies at 192 na pet owners ang napagsilbihan dito.
Dagdag pa ni Dr. Ponce na ngayong araw, Marso-02 ay kasalukuyan ang libreng kapon at ligate para sa mga aso at pusa sa Centro, Sta. Ana kung saan ay bukas ito sa lahat ng barangay ng nasabing bayan. Katuwang dito ng PVET ang dalawang (2) doktor ng Cagayan State University.
Bukod dito ay tutulong umano ang PVET sa ilang mga bayan sa lalawigan sa pagkakaroon ng kanilang anti-rabies vaccination tulad ng Pamplona at Tuao nitong buwan pa rin ng Marso.
Ang ibang bayan naman umano ay magtatakda pa lamang ng kanilang aktibidad may kaugnayan sa Rabies Awareness Month na may temang “Rabies-free na pusa’t aso, kaligtasan ng pamilyang Pilipino.”
Nagkaroon rin umano ng symposium ang lungsod ng Tuguegarao kahapon sa Hotel Carmelita na may kaugnayan sa rabies at pangunguna ito ng City Veterinary Office (CVO).
Nakatakda naman ang libreng kapon at ligate sa mga pusa at aso sa Centro, Lal-lo sa darating na Marso-07 kaya’t hinihikayat ang mga pet owner na dalhin lamang ang kanilang mga alaga sa nasabing araw.