Isinagawa ngayong araw, Marso-18 ang kauna-unahang “Fun Dog Walk” ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Veterinary Office (PVET).

Naging bahagi ng aktibidad ang may 62 pet owners at 69 na aso kung saan nagsimula ang walk sa Tramo Road o Corner ng Bagay Road hanggang sa Animal Bite Treatment Center ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa San Gabriel, Tuguegarao City.

Ito ay bahagi ng Rabies Awareness Month celebration na may temang, “Rabies-free na pusa’t aso, kaligtasan ng pamilyang Pilipino.”

Pagkatapos ng fun walk ay sinundan ito ng simpleng programa at nagkaroon rin ng trivia sa mga pet owners, free vaccination sa mga alagang aso at pusa, at ang libreng kapon.

Nabigyan ng iba’t ibang freebies ang mga lumahok at dagdag pa dito ang ilang special awards tulad ng Early Bird sa area, una sa pre-register, unang dumating na small at large dog, smallest at largest dog, at cutest pair.

Habang sinusulat ang balitang ito ay nakapagserbisyo na ang PVET ng libreng kapon sa 17 na aso’t pusa at nakapagbakuna na rin ng 11 na aso mula sa pitong (7) pet owners.

Nagbigay ng paalala si Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng PGC sa mga kahalok na hindi biro ang virus na rabies, kaya’t kailangang laging isaisip ng mga pet owners na ipabakuna ang mga alagang aso at pusa.

“Kapag may sintomas ng rabies ang isang tao at alagang aso o pusa ay mamamatay na ito.

Ganito katindi ang rabies. Be a responsible pet owner at dapat alam ng lahat ang hinggil sa Republic Act 9482 upang makaiwas sa rabies,” sabi ni Dr. Cortina.

Bukod dito, sinabi naman ni Shammon De Yro, Animal Bite Treatment Center Program Coordinator ng PHO na layon ng naturang aktibidad na mabigyan ng kaalaman ang bawat isa na kailangan ang pagtutulungan para maalis ang rabies sa mga alagang aso at pusa.

Dagdag pa niya na mapapalawig pa umano ito sa pamamagitan ng pagsasagawa naman ng “1st Cagayan Rabies Summit” sa March 24, 2023 na gaganapin sa Capitol Commissary.

Umaasa naman si Dr. Wilfredo Iquin, Veterinarian III ng PVET na hindi ito ang unang “Fun Walk Dog,” bagkus ay taon-taon na itong gagawin ng PVET at PHO.

Nagpasalamat rin siya sa lahat ng sponsors at mga ahensiya ng gobyerno na nakiisa sa nasabing aktibidad. Ibinahagi rin ng PVET ang impormasyon may kaugnayan sa responsible pet ownership”l dahil ang pag-aalaga umano ng aso at pusa ay kailangang ikonsidera sila na miyembro ng pamilya.

Naging katuwang ng PHO at PVET ang Cagayan Valley – Center for Health and Development (CV-CHD) DOH Region 02, Department of Agriculture (DA), Bureau of Animal Industry (BAI), at City Veterinary Office (CVO).

Samantala, ang naging sponsor sa “Fun Dog Walk” ay ang Magno Y Lim, Nutri Chunk Pet Express, Nutec PNJ Marketing, Roder Farm Commodities, Catvet by Dr. Enrique Catral, Jupiter General Merchandise, at UNAHCO.