“This is a another first for the Cagayan Provincial Learning and Resource Center.”

Ito ang pahayag ni Michael Pinto, Provincial Librarian sa pagsisimula ng Provincial Book Fair ngayong Huwebes, Mayo-04 sa Coliseum, Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City.

Ang CPLRC ang kauna-unahang naglunsad ng book fair sa lalawigan, kung saan libo-libong aklat mula sa 14 national publishing houses ang maaaring mapili at mabili ng mga aklatan, estudyante, guro, mananaliksik, at ng publiko bilang reference materials.

Ayon kay Pinto, naging katuwang nila ang Cagayan Library Consortium sa paglulunsad nito.

Pinangunahan ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang programa at ribbon-cutting ceremony kaninang umaga kasama si Clarita Lunas, ang Consultant on Education ng Kapitolyo ng Cagayan.

Binati ni Atty. Mamba-Villaflor ang CPLRC sa pagsasagawa ng “another first” para sa probinsiya kung saan binigyang-diin nito ang mga naging hamon ng CPLRC sa mga nagdaang taon, maging ang mga natupad na plano ni Governor Manuel Mamba upang maging state-of-the-art ang aklatan ng probinsiya.

Samantala, nanumpa naman ang mga bagong opisyal ng Cagayan Province Authors and Writers Association, Inc.

Kasabay ng book fair ang pagsasanay sa “Trends in Library Management and Collection Development for Libraries” na dinaluhan ng mga librarian mula sa iba’t ibang bayan ng Cagayan, Kalinga, Manila, at Bukidnon, maging ang mga manunulat sa probinsiya, book dealers, publishers, at mga guro.

Ang book fair ay bukas sa publiko hanggang bukas, Mayo-05.