Tampok ngayon ang exhibit ng kasuotan na ginamit ni Kiray-Jezaryl Carisma Baclig, ang hinirang na “Mutya ti Cagayan” mula sa bayan ng Sta. Ana sa “Pabbarayle” Festival Dance Competition 2023 na ginanap ngayong mismong araw ng pagdiriwang ng ika-440 Aggao Nac Cagayan sa Oval Track ng Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City.
Ang costume na isinuot ni Baclig ay dinisenyo upang ipakita ang makulay na “Viray Festival ng bayan ng Sta. Ana. Ang Viray Festival na nagpapakita sa pasasalamat ng komunidad sa kanilang masaganang ani mula sa karagatan ng kanilang bayan.
Nagwagi naman ang bayan ng Sta. Ana bilang 1st Runner-up sa “Pabbarayle” Festival Dance Competition 2023.
Ang costume ay dinesenyuhan ng mga natural element na nagpapakita ng mga tourism offering ng bayan ng Sta. Ana- shells, pearls, abaca cloth, abaca rope, at wooden beads.
Ito rin ay nagpapakita sa isa sa mga pangunahing kabuhayan ng mga taga-Sta. Ana- ang pangingisda. Ipinapakita rito ang “kalap” na sumisimbolo sa pagdiriwang ng bayan sa masaganang ani sa kanilang pangingisda. Mga isda, lobsters, at crabs ang ilan sa mga produkto ng bayan.
Ito rin ay sumisimbolo sa katatagan at kasipagan ng Sta. Anians na handang magsakirpisyo para sa kanilang pamilya.
Makikita rin dito ang iconic Faro de Cabo Engaño, na sumisimbolo ng pag-asa.
Ang Baby Negrito naman ay ang simbolo ng mga sinaunang tao sa bayan ng Sta. Ana. Ito rin ay nagpapakita ng bagong buhay, pag-asa at kinabukasan.
Ang costume display ay makikita sa Robinsons Place Tuguegarao hanggang July 2, 2023.