Tinanghal bilang kampeon sa kauna-unahan at makasaysayang Advocacy Songwriting Competition sa 440th Aggao Nac Cagayan ang kabataang Cagayano na si Sarah Jane Busilan kasama ang kanyang grupong tinawag na “Pagayaya”.
Mula sa tema at song title na “Prinsipyo at Puso ng Cagayano” inawit ni Sarah Jane kasama sina Zhekina Christi Marie Querubin, Jan Lemuel Reyes, Ma. Stella Claire Arao, Noel Paulo Mandac at James Pablo ang kanilang sariling bersyon at orihinal na musika.
Napahanga naman ang ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba at Chair ng Steering Committee ng Aggao na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, sa naging performance ng mga kabataan mula sa kumpas, liriko at mensahe ng awitin.
Hindi rin naitago ni Sarah Jane ang kanyang pagkagalak sa pag-uwi ng titulo at ang cash prize na P50,000.
Nakuha naman Nelle Debbie Arellano- (Song title: Tagumpay) ang 5th place at 4th place naman si Oliver Pascual kasama ang mga miyembro ng Emily’s Band na si Zarrah Tamayao, Adrian Tamayao, Jefferson Dulin, Vincent Taguba
(Song title: Baguhin ang Cagayan). Kapwa naiuwi ni Arellano at Pascual ang tig-sampung libong piso (P10,000) at certificate.
Ang 2nd runner up ay si Rosemarie B. Callueng kasama ang band members ng Notalye na sina Prim John Macabbabad at Jhon Carlo Laggui (Song title:Bubong ng Cagayano) na napanalunan ang P20,000 na cash prize. Nasungkit naman ni Rufo Casillano isang Solo Artist ang 1st runner up at P30,000 sa kanyang awitin na may titulong “Puso ng Cagayano”.
Naging hurado ang mga batikang mang-aawit at composer na sina Jimi Jurado, Dawn Cepeda, Juancho Miguel, Kiko Dimaandal Keys, at Louie Kem Anthony Babaran.
Samantala, ang patimpalak ay pinangunahan ng tatlong departamento ng Kapitolyo ng Cagayan na kinabibilangan ng Provincial Legal Office (PLO), Human Resource and Management Office (HRMO), at General Services Office (GSO) sa pamumuno ni Atty. Rogelio Taliping Jr., Atty. Loui Socrates, at Atty. Ian Aguila.
Mas lalo pang naging mainit ang gabi sa Paddarafunan Trade Fair matapos itanghal ng singer/rapper na si Matthios ang kanyang best song na “Catriona” sa Music Festival na hatid naman ng Globe at TM. Hindi na napigilan ang mga kabataang Cagayano na sumabay sa indak at tunay na nagbigay saya sa selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan.