umailalim sa isang orientation workshop ang ilang empleyado ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Planning and Development Office (PPDO) kaugnay sa Magna Carta of the Poor. Naganap ang naturang workshop sa GO Hotel, Tuguegarao City nito lamang Abril 11-12, 2023.

Pinangunahan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang naturang workshop kung saan layon nito na iprisinta at talakayin ang salient features ng R.A 11291 o ang Magna Carta of the Poor (MCP) at ang IRR nito at upang matukoy ang mga Anti-Poverty Programs, Projects at Activities (PPA) na naaayon sa katuparan ng limang (5) fundamental rights ng mga mahihirap na mamamayan.

Kaugnay nito ay inihayag naman ng unang ginang na si Atty.Mabel Villarica-Mamba, bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba sa aktibidad, na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa liderato at pamumuno ni Gob. Mamba ay maraming programa at proyekto na ginawa na at patuloy na ginagawa upang maibsan ang kahirapan sa lalawigan.

Katulad na lamang aniya ng “No Barangay/Town Left Behind” (NBLB/NTLB) program kung saan ibinababa na ng PGC ang tulong pinansiyal sa bawat barangay at munisipyo; Agkaykaysa Scholarship Program kung saan inorganisa ang bawat residente ng mga barangay at tinutukoy ang mga mabibigyan ng scholarship; at ang MAGSAKABATAAN na inilunsad noong nag-umpisa ang pandemiya, na ang layunin nito ay magbigay ng tulong sa mga kabataang edad 20 pababa na mag-alaga ng mga manok na siyang bibilhin ng Pamahalaang Panlalawigan sa halagang P1,600 sa oras na ito ay lumaki at mangitlog.

Ang mga naturang programa ani Atty. Villarica-Mamba ay ang tugon ng PGC sa limang (5) fundamental rights ng mga mahihirap na magkaroon ng sapat na pagkain, sapat na tirahan, dekalidad na edukasyon, mataas na pamantayan ng kalusugan, at disenteng trabaho.

Samantala, umaasa naman ang pamunuan ng NAPC na matapos ang orientation workshop ay maibibigay sa kanila ng Agency Regional Offices (ARO) at ng Provincial Local Government Unit (PLGU) ang kumpletong listahan ng Anti-Poverty PPAs kabilang ang natukoy na gap at rekomendasyon; mga feedback at evaluation ng mga dumalo; at panghuli ang actvity reports at dokumentasyon.

Ang serye ng pagsasagawa ng NAPC ng orientation workshop ay alinsunod sa mithiin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabawasan ang porsyente ng mga mahihirap mula sa 13.2% noong taong 2021, ay nais nitong bumaba sa 9% sa taong 2028.

Ang naturang workshop ay dinaluhan din ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Batanes, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.