Abala ngayon ang Provincial Veterinary Office (PVET) sa kanilang hands-on training hinggil sa paggawa ng animal feed formulation sa Cagayan Animal Breeding Center and Agri-tourism Park sa Zitanga, Ballesteros, Cagayan.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Noli Buen, nitong mga nakalipas na araw pa nila sinimulan ang pagsasanay. Layon nito na mapahusay pa ng mga empleyado ng PVET ang pagproseso ng feed milling formulation upang may alternatibong pagkain at maibaba ang gastusin sa pagpaparami ng mga alagang hayop.
Pansamantala aniya na ginagamit ng PVET ang isang feed milling machine at kung makagawa na umano sila ng perpektong feed formulation ay maaaring imungkahi na ito kay Governor Manuel N. Mamba na magkaroon na ang Provincial Government of Cagayan ng sariling feed milling machine.
Mahabang proseso rin aniya ang paghahanda ng local raw materials dahil pinapatuyo muna ito bago ihalo sa ibang sangkap. Ito ay ang dahon ng malunggay, mulberry, indigofera, napier, setaria grass, at trichantera kung saan ay ihahalo naman ito sa corn grits, soy beans at rice bran.
Magkakaiba aniya ang feed formulation nito para sa mga manok at native na baboy, at iba rin ang para sa mga ruminants tulad ng baka, kalabaw, kambing, at pelletized feeds naman para sa mga rabbit.
Paliwanag pa ng Provinacial Veterinarian na kinakailangang makagawa sila ng saktong sangkap ng pagkain para rin sa balance diet ng mga alagang hayop.
Aniya, may mga ginagawa silang adjustments sa mga sangkap sa feed formulation hanggang maabot nila ang perpektong paggawa ng mga pagkain.
“May certain limit kasi na kailangang sundin natin sa mga ingredients to have a balance diet ng pagkain ng mga alaga nating hayop. Maproseso ang paggawa ng feed formulation at malaking tulong dito ang feed milling hanggang sa makuha natin ang tamang sangkap nito,” saad niya.
Dagdag pa ni Dr. Buen na ipapakain rin sa mga hayop na nasa breeding center ang nagagawa nilang feed formulation. Ituturo rin umano sa mga darating na araw ang proseso sa paggawa ng alternatibong pagkain ng mga hayop sa mga magsasakang Cagayano.