Walang kapansanan ang makapipigil kay Cocoy Logan, 26 taong gulang na pintor mula sa lungsod ng Tuguegarao para maiguhit ang kanyang kapalaran.

Isang kamangha-manghang binata na puno ng talento ang sumali sa InkCagayan Tattoo Expo 2023 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-440th Aggao Nac Cagayan.

Ang bawat kumpas ng lapis at dampi ng brotsa sa papel ay lumalarawan sa isang binatang punong-puno ng pagasa at pangarap sa kabila ng kanyang kapansanan. Si Cocoy ay ipinanganak nang walang mga daliri at binti.

Habang ginuhuhit ni Cocoy ang larawan ni Gov. Manuel Mamba bilang kanyang obra sa selebrasyon, maligalig nitong ibinabahagi kung gaano na kalayo ang kanyang narating sa pagguhit at pagpinta.

Hindi lamang kasi pang lokal ang mga obra ni Cocoy, kundi’t umabot na rin ito sa iba’t ibang bansa gaya ng U.S at Israel. Naiguhit na rin ni Cocoy ang imahe ng ilan sa mga sikat na tao sa mundo kabilang si Basketball legend Kobe Bryant at sikat na mga Vloggers na sina Cong TV at Ninong Ry na personal pang nagpasalamat sa binata.

Liban din sa pagguhit at pagpinta, isa ring Tattoo Artist at bokalista ng Mr. Machine ang binata. Mula taong 2017 nagumpisa si Cocoy na magkumisyon ng mga larawan, at simula rito libo-libong obra na ang kanyang natapos dahilan din para makapagpatayo ito ng sariling tirahan.

Isa sa mga obrang bitbit ni Cocoy ay ang larawan ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao at pangarap umano nitong maiabot ng personal sa tinaguriang People’s Champ.