Ginanap ang Grand Launching ng ‘Kadiwa ng Pangulo’ program sa Cagayan dito sa Capitol Grounds ngayong Lunes, ika-17 ng Hulyo.

Magkakatuwang ang mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Office of the President, Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Emloyment (DOLE), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), National Food Authority (NFA), at Provincial Government of Cagayn (PGC) sa paglulunsad ng nasabing programa.

Ayon kay Regional Technical Director for Operations and Extensions Roberto Busania, makikita ang mga fresh and processed products ng mga local farmer ng lalawigan kasama ang labing dalawang (22) exhibitors sa mismong covered walk sa harap ng tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Nabatid na layon nitong magkaroon ng market linkage sa pagitan ng mga farmer at ang buying public kayat patuloy ang paglulunsad ng programang ito sa iba’t ibang mga lugar.

Paraan din ito upang diretsong maibenta ang mga produkto sa mga mamimili para magkaroon ng magandang kita at hindi na dadaan pa sa mga middlemen ang mga paninda ng mga magsasaka, paliwanag ni RTD Busania.

Sa naging mensahe ni DILG Regional Director Agnes A. De Leon, kanyang sinabi na ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ program ay Katuwang sa ‘Diwa at Gawa Para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita’ na naglalayong matulungan ang mga magsasaka na maging accessible, affordable and available ang kanilang produkto upang maibsan ang pagkalugi ng mga magsasaka at maliliit na negosyo dala ng pandemya. Pinuri rin nito ang mga hakbang na ginagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan hinggil sa pagsasaka sa lalawigan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gobernador Manuel Mamba na ang kanyang administrasyon ay nakatuon sa pagtulong at pagsuporta sa mga magsasaka sa lalawigan para maisulong ang mga produkto ng mga Cagayano at magkaroon ng ready market sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga pwerto sa lalawigan.

Nagkaroon ng ribbon cutting matapos ang ginanap na flag-raising ceremony kaninang umaga, ika-17 ng Hulyo ng taong kasalukuyan.