Matagumpay na isinagawa sa Allacapan, Cagayan ang Grand Harvest Field Day kahapon, ika-28 ng Setyembre. Ito ay sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Sinabi ni Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa na nagkaroon ng pagpapakita at pag-aani ng iba’t ibang klase ng hybrid rice na produkto rin ng siyam na pribadong kompanya bilang partnership sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.
Ang mga hybrid rice aniya ay tulad ng Philrice, Corteva, Longping, Bayer, SL-Agritech Corp., Hataw, Bioseed, Seed Works, at Syngenta.
Kabilang rin dito ang tatlong kompanya ng fertilizers na Enviro Scope Synergy, Inc., Backphil Planters Fertilizer Corp., at Atlas Fertilizer Corp.
Ang mga magsasaka naman na nagtanim ng mga nasabing hybrid rice at gumamit ng naturang fertilizers ay miyembro ng aktibong asosasyon ng Bessang Small Water Irrigation System Association (BESWISA) ng Allacapan.
Dagdag pa ng Provincial Agriculturist na sa Allacapan ito isinagawa dahil sa isa ang Allacapan na may malawak na taniman ng palay kung saan ay nasa 54 na ektarya ang magkakadikit na tinamnan ng hybrid rice, upang sa iisang lugar rin ang makinarya sa produksyon.
“Active kasi ang BESWISA sa Allacapan kaya dito natin ito ginawa para matuto ang magsasaka natin kung paano pumili ng palay para sa klase ng lupa, panahon, at kung kaya nila itanim base rin sa mga makabagong teknolohiya ngayon,” saad ni Mabasa.
Layon rin aniya ng nasabing aktibidad na bilang paghahanda sa mga magsasaka ng lalawigan sa Cagayan International Gateway Project (CIGP) na nais isakatuparan ni Governor Manuel N. Mamba.
Isa rin umano na dahilan ng naturang hakbangin ay magkaroon ng tamang uri ng palay na itatanim, paggamit ng makabagong teknolohiya at soil suitability upang maitaas ang kita ng mga magsasaka at maibaba ang gastos sa produksiyon ng per kilo ng palay.
Inaakma rin umano dito ang mga itatanim na palay para sa wet and dry season kung kaya’t inaasahan ang kahalintulad na aktibidad sa darating na dry season.
Ang counterpart umano ng OPA dito ay ang pagbibigay ng impormasyon hinggil sa right and proper technology, mga paraan upang magkaroon ng magandang produksyon ng palay at water management na dapat gawin ng mga magsasaka.
Samantala, nagkaroon ng awarding of certificates sa mga magsasaka na mula sa BESWISA ng Allacapan.
Nagbigay rin ng certificate of appreciation sa mga hybrid seed at fertilizer companies. Sinaksihan naman ni Allacapan Mayor Harry Florida at ibang opisyal ang naturang aktibidad.