Pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang inagurasyon ng bagong multi-purpose gymnasium ng Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan ngayong Martes, Hunyo 13, 2023.

Isinabay ang inagurasyon sa kasalukuyang isinasagawang Agri-Skills Competition sa Farm School na bahagi ng selebrasyon ng 440th Aggao Nac Cagayan na may temang ” Gapu iti Panagkaykaysa, Balligi Inpaay na.”

Sa naging mensahe ni Gov. Mamba, sinabi niyang panahon na para mabago ang kinagisnang estado ng mga magsasaka. Gagawin niya umano ang lahat para mabago ang buhay ng magsasakang Cagayano sa pamamagitan ng pagpatatayo ng mga pasilidad, pagsasagawa ng pag-aaral, at iba’t ibang pagsasanay sa Farm School.

“Maraming opportunity na mayroon dito ngayon para sa mga anak natin, sa ating mga kabataan. We have to prepare a better future for our children. Let us start our destiny. Let’s connect our province to the world and market our products to other country. Hindi dapat tayo hihinto na gumawa ng paraan at gumawa ng mabuti para sa kinabukasan nating lahat. It’s time for us to learn from our mistake and imitate our success,” saad niya.

Malaki naman ang pasasalamat ni Provincial Agriculturist Perlita P. Mabasa sa gymnasium na aniya’y makakatulong ito sa lahat ng aktibidad, pagsasanay at production na gagawin sa Farm School.

Ang naturang pasilidad ay nagkakahalaga ng P9, 987,474.19 milyon base sa datos ng Provincial Engineering Office (PEO).

Samantala, nakasama ng Gobernador sa naturang aktibidad ang Unang Ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba na siyang chairman ng Aggao Nac Cagayan, Provincial Administrator Atty. Rosario Mamba-Villaflor, 3rd District Board Member Rodrigo De Asis Jr., Buguey Mayor Licerio “Cerry” Antiporta II, at ilang department heads ng Kapitolyo.

Dumalo rin ang mga magsasaka na mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Cagayan, mga opisyal, at miyembro ng Rural Improvement Club (RIC), at 4-H Club.