Nananawagan at nakikiusap ngayon si Governor Manuel Mamba sa bawat Cagayano na magkaroon ng boses ng at paninindigan kontra sa Enhanced Defense Cooperative Agreement (EDCA) sites sa lalawigan.

Matatandaan na inanunsiyo ng Palasyo ang apat (4) na EDCA sites sa bansa kung saan ay kabilang dito ang Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, at Balabac Island sa Palawan.

Una na ring hinimok ng Gobernador ang lahat na Cagayano na makiisa sa panalangin laban sa posibleng digmaan sa pagitan ng China at U.S. dahil sa Taiwan, at panalangin upang mabuksan ang kaisipan ng lahat na mapigilan ang pagkakaroon ng EDCA sites sa lalawigan.

Aniya, kinakailangan na ang may iisang boses at tindig ang Cagayano laban sa EDCA sites. Dahil ang giyera umano ng U.S. sa Taiwan at China ay hindi laban ng mga Cagayano. Hindi rin umano dapat na nagagamit ang Cagayan sa interest ng U.S. na makapagbenta ng gamit pandigma sa bansa at interest nito na sirain ang ekonomiya ng China at Taiwan.

Saad pa ng ama ng Cagayan na hindi kailangan ng Cagayan ang war o giyera, bagkus ang nakikita niya ay oportunidad sa bansang China upang makipagkalakalan ang Cagayan sa larangan ng agrikultura na makakapagpalago sa ekonomiya ng lalawigan lalo kapag nabuksan na ang Port of Aparri.

“Ako po ay nagsusumamo sa inyo na magkaroon tayo ng boses ng paninindigan. Kailangan na marinig ang ating tindig, ang ating oposisyon sa gustong gawin sa ating probinsya na may digmaan, ayaw natin ng EDCA sites sa Cagayan. Iparating natin ito sa Malacañang, ito na ang pagkakataon natin na ipaglaban ang ating mga sarili, ang ating probinsya, ang ating kinabukasan,” giit niya.

Pahayag pa niya na hindi niya kaya ang laban na mag-isa, kundi mas mahalaga na may malakas na tinig laban sa nakaambang na giyera ng U.S. sa Taiwan at China.

“Ayaw ko na may mamamatay na Cagayano o magbuwis ng buhay dahil lamang sa nais na giyera ng Amerikano sa China at Taiwan. Manindigan po tayo laban dito. Hindi natin kailangan ang digmaan,” pagtatapos ng Gobernador.