Pinuri ni Governor Manuel Mamba ang apat na mag-aaral ng Piat National High School dahil sa kanilang katapatan matapos nilang ibalik kamakailan ang perang nagkakahalaga ng P68,000 sa bayan ng Piat, Cagayan.
Sa naganap na flag-raising ceremony ngayong araw, Pebrero-13, sa Kapitolyo, inihayag ng ama ng lalawigan ang kanyang paghanga sa apat na mag-aaral na sina Arjay Obina Gulatera, Dany Boy Daguio, Kurt Ezequiel Baribad, at Jay Agustin kapwa residente ng Piat, Cagayan, kasabay ng pagkakaloob niya ng tig-P5,000 pesos sa bawat isa bilang gantimpala sa kanilang katapatan at ang kanyang pangakong gawing scholar ang mga ito simula ngayong highschool hanggang sa makatapos sila sa kolehiyo.
“Honesty. This should be a great deed that we have to possess- by every Cagayano, especially us in the Provincial Government of Cagayan,” pahayag ng ama ng lalawigan.
Sa kanya namang mensahe, emosyonal na naghayag ng kanyang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan lalo na kay Gov. Mamba si Arjay Obina Gulatera dahil sa gantimpala na kanilang natanggap.
Saad din niya na kinaugalian na umano niya ang palaging payo sa kanila ng kanilang mga magulang na hindi dapat inaangkin ang hindi kanila kung kaya lahat ng kanyang napupulot, malaki man o maliit ay hindi siya nag-aatubiling ibalik ito sa nagmamay-ari.
“Lagi po kasing tumatatak sa isip ko ang palaging sinasabi sa amin ni mama ko na kung hindi sayo ay ‘wag mong kukunin dahil kapag kumuha ka ng bagay na hindi saiyo ay baka ang kapalit nito ay karma. Integrity is telling myself the truth and honesty is telling the truth to other people,” emosyonal na pahayag ni Gulatera.
Bilang kinatawan naman ni Mayor Leonel Guzman ng LGU Piat, pinasalamatan ni Sangguniang Bayan Member, Rod Djozmond Guzman si Gov. Mamba at ang PGC sa pagkilala at parangal na iginawad sa apat nilang mag-aaral. Aniya, malaking tulong umano ang scholarship na ipinagkaloob sa mga ito upang makatapos sila sa pag-aaral.
“May this commendation inspire us to always choose to be good and honest. Nawa’y magsilbing inspirasyon ito sa lahat ng mga kabataan at maging sa ating lahat lalo na sa atin na nagseserbisyo sa publiko. Gawin natin na maayos at tapat ang ating serbisyo dahil sa dinami-rami ng kasamaang nangyayare sa ating paligid hayaan nating magsimula ang kabutihan sa ating mga sarili. May our Lady of Piat bless us always,” pahayag ni SB Guzman.
Ang pagkilala sa mga tapat na mag-aaral ay bahagi ng resolusyon ni 3rd District Board Member Rodrigo de Asis na humihimok sa lahat ng Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng kanilang punong ehekutibo na bigyan ng commendation, certificate of appreciation o cash award ang mga indibidwal na nagpakita ng huwarang katangian, katapatan at integridad na nakapagbibigay ng inspirasyon sa lahat.
“Congratulations to the parents and ofcourse to the students for having returned or surrender to government authorities the big amount of money. This would bring pride to the Cagayanos,” pagmamalaki ni BM De Asis.
Dagdag pa dito, bukod sa natanggap ng mga mag-aaral mula kay Gob. Mamba, pinagkalooban din ni BM De Asis ng cash gift ang bawat isa at certificate of recognition.