Pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang Provincial School Board (PSB) meeting kamakailan, kung saan pangunahing tinalakay ang pagdaragdad ng P1M sa pondong ilalaan sa Special Education Fund (SEF) na gagamitin para tugunan o suportahan ang mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Clarita Lunas, Consultant to the Governor on Education, dinagdagan umano ng ama ng lalawigan ang pondo sa SEF dahil nais umano niya na mapabuti pa lalo ang kapakanan ng bawat mag-aaral sa pamamagitan ng mga maayos na pasilidad tulad ng multi-purpose building/gymnasium na malaking tulong sa pagpapabuti sa pisikal na kalusugan ng mga bata.
Bukod pa sa pagbibigay ng insentibo sa larangan ng academics tulad ng Club Numero Uno Program na nagbibigay ng Educational Assistance sa mga mag-aaral na nagpapamalas ng galing at talino sa kanilang pag-aaral at ang pagbibigay ng insentibo sa mga atletang mag-aaral na nakakapag-uwi ng karangalan sa lalawigan.
Kabilang din sa mga tinalakay sa nasabing pagpupulong ay ang Reconstitution ng Provincial School Board at Secretariat, Report sa Status ng Special Education Fund (SEF), Report on Fund Utilization, Supplemental Budget ng 2021 para pondohan ang SHS Gymnasium at Schools’ Division Office (SDO) Program, Status ng 2021 SEF Projects (SHS Multi-Purpose Building/Gym), Presentation ng 2023 proposed SHS Multi-Purpose Building at iba pang usapin kabilang ang Presentasyon ng REX BOOK STORE at ni Joygie C. Pascual Sales Group Head (SOURCE) at CPLRC Updates.
Ang naturang pagpupulong ng PSB ay dinaluhan mismo ni Gob. Mamba bilang Chairman, Schools Division Superintendent of Cagayan at PSB Co-chairman, Orlando E. Manuel, PCOL. Julio Gorospe, Provincial Director ng PNP Cagayan at iba pang PSB Members na sina Roselily E. Padre, Teachers Organization ng Cagayan, Mila Q. Mallonga, Provincial Treasurer, Christian Guzman, NGO Representative at Wilma C. Bumagat, Asst. Schools Division Superintendent ng 3rd Congressional District, Consultants at Secretariat.
Ang pagpupulong na ginanap sa Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ay inorganisa mismo ni Lunas.
Samantala, nabatid pa kay Lunas na sa ngayon, ay nasa kabuuang 71 paaralan sa 1st, 2nd at 3rd congressional district ng lalawigan ang napagkalooban na ng multi-purpose building/gymnasium ng PGC.
Sa nasabing bilang ay nasa 58 na ang nakumpleto at napasinayaan. Kabilang na dito ang katatapos lamang na pinasinayaang gymnasium ng Amulung National High School-Baculud Extension sa bayan ng Amulung, Cagayan at ang Magalalag National High School Gymnasium sa bayan naman ng Enrile, Cagayan habang 13 naman dito ang kasalukuyan pang ginagawa. (FRANCES SIRIBAN)
Photos: Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC)