“PGC wants to be the best and to be in the pedestal,” ito ang tinuran ni Gobernador Manuel Mamba sa ginanap na regular flag raising ceremony kaninang umaga, ika-02 sa buwan ng Hulyo 2023.
Ang pahayag ay ginawa ni Gob. Mamba makaraang iprinisinta ang dalawampung (20) mga bagong pasok o newly hired employee at nanumpa ng kanilang ‘oath of office’ ang anim (6) na newly hired, kasama ang mga newly promoted employee ng Kapitolyo ng Cagayan sa pamamagitan ni Provincial Human Resource Development Officer Atty. Louie A. Socrates.
Ayon sa Gobernador, malaki ang inaasahan niya sa mga bagong pasok na empleyado sa Kapitolyo ng Cagayan dahil pinili niya ang mga taong makatutuwang niyang magtrabaho para sa mamamayang Cagayano. “Mapalad kayo sapagkat may mga employer kayo at may trabaho kayat ibigay ang magandang serbisyo para sa tao,” pahayag pa nito.”
Nais ni Gob. Mamba na ituturing ang PGC bilang may pinakamagagaling na empleyado na magsilbi sa tao. Ang gobyerno ay pagsesebisyo, hindi negosyo, pahayag pa niya. “Hindi lang sana tayo magaling sa ating mga trabaho sa loob at labas ng ating mga opisina kundi maging sa pagsisilbi sa ating mga pamilya,” dagdag pa ni Gob. Mamba.
Kaugnay rito, nanumpa rin ang mga bagong halal na Board of Directors ng Provincial Government of Cagayan Mullti- Purpose Cooperative kung saan si Michael Pinto, Provincial Librarian ang kasalukuyang Chair.
Kasabay rito, nabigyan din ng plake si Engr. Robert Guzman, isang kilalalang negosyante ng Tuguegarao City sa pagpapahiram ng P500,000 bilang seed money ng kooperatiba noong 2017. Ipinahiram ang nasabing halaga sa kooperatiba sa loob ng limang taon ng walang interes upang may magamit dito.
Sa ngayon, ayon kay Pinto, napangalagaan at malaki na ang naitulong ng nasabing kooperatiba sa mga miyembro at napalago na rin ito ngayon dahil sa suporta ng mga miyembro nito.
Dumalo naman sa regular flag raising sina 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, Atty. Mabel Villarica-Mamba, PA at COS Atty. Maria Rosario Mamba- Villaflor, mga Department Heads, Consultants, at mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan.