Hinikayat ni Governor Manuel Mamba ang mga awardee ng Dangal ng Lahing Cagayano 2023 na ipagpatuloy ang kanilang mga nasimulan at huwag panghinaan ng loob matapos silang gawaran ng pinaka-prestihiyosong parangal sa lalawigan.

Pahayag ito ng ama ng lalawigan sa naganap na Gabi ng Parangal nitong gabi ng Miyerkules, Hunyo-28 sa mga napiling Gintong Medalya Awardees at Natatanging Cagayano sa pinaka-prestihiyosong Search ng “Dangal ng Lahing Cagayano” na ginanap sa Cagayan Sports Coliseum, Tuguegarao City.

“Ang tatanggaping pagkilala ng ating mga Dangal ng Lahing Cagayano ay mas mahirap na ngayon para sakanila sapagkat tataas na ang magiging pamantayan ng kanilang pamumuhay. But do not be discouraged, dahil kung kinaya ko ang mga pagsubok, mas kakayanin ninyo,” ani Gob.Mamba.

Samantala, buong pagmamalaking sinuportahan at pinalakpakan ang mga awardee ng kani-kanilang pamilya, kaibigan, at nominator nang personal nilang tanggapin ang kanilang medalya at plaque na hango sa Kammaranan Medallion na iginawad mismo sa kanila ni Gob. Mamba at ni Atty. Mabel Villarica-Mamba kasama sina Provincial Administrator, Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Board Members, Rodrigo de Asis, Atty. Romeo Garcia, Christian Ursua at ng pitong (7) nagsilbing hurado sa naturang Search.

Kabilang din sa programa ang pagbibigay pugay sa apat na yumaong Dangal ng Lahing Cagayano Gintong medalya awardees na sina Dr. Ronald Guzman, Capt. Richard Biraquit, Dr. Pura Liban at Catherine Mendoza kung saan isang video montage ng kanilang mga kontribusyon ang ipinanood sa mga dumalo.

Dumalo rin sa programa ang alkalde ng lungsod ng Tuguegarao na si Mayor Maila Ting-Que na personal ding bumati sa mga awardee.

Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ni Jimmy Hurado, Dangal ng Lahing Cagayano 2018 awardee sa theme song ng Dangal ng Lahing Cagayano.