Matagumpay na naisagawa ang limang araw na “Flood Swift Water Rescue Training” ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Maddela, Quirino, noong Setyembre 27 hanggang Oktubre 01, 2022.
Ayon kay Dennis Naceno, isa sa mga trainer ng naturang pagsasanay, layon nito na madaragdagan pa ang kaalaman ng mga responder na magagamit sa tuwing panahon ng kalamidad o anumang sakuna.
Aniya, isinagawa nila ang pagsasanay sa Quirino dahil dito naakma umano ang lugar kasama na ang agos ng ilog na kasama sa kanilang pagsasanay.
Sinabi ni Naceno na bukod sa kanya, ay 10 trainers din mula sa Cauayan Rescue 922 ang nanguna sa pagsasanay ng 22 responders mula sa Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) at PDRRMO.
Una rito, hiniling umano ng PDRRMO sa Cauayan Rescue 922 ang naturang pagsasanay bilang preparasyon ngayong disaster season para matiyak ang kaligtasan ng lahat at makapaghanda sa anumang kalamidad o sakuna.
Paliwanag ni Naceno na ang 22 kalahok ay nakatakda ring magsanay sa mga iba pang rescuer sa lalawigan.