Pinasalamatan ng Department of Education (DEPED) Cagayan si Governor Manuel Mamba kasunod nang paglabas nito ng Executive Order No. 1 S. 2023 na naglalayong bigyang prayoridad ang epektibong implementasyon ng education system sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.
Sa naganap na “Kapehan sa Kapitolyo ” program ng Cagayan Provincial Information Office ngayong araw, Enero-09, sinabi ni Dr. Orlando Manuel, Schools Division Superintendent ng Cagayan, malaking tulong ang EO No. 1 lalo na sa pagsuporta sa kanilang “recovery plans.”
“We thank the Governor for issuing this Executive Order, we view it as a big support to the DepEd order of VP Sara Duterte and support to our recovery plans,” saad ni Dr. Manuel.
Sinabi rin ni Dr. Wilma Bumagat, Assistant Schools Division Superintendent ng Cagayan na suportado ng DepEd ang naturang EO at kanilang tinitiyak na susunod o magko-comply sila dito.
Una rito, ipinag-utos ng Gobernador sa kanyang kauna-unahang inilabas na Executive Order sa taong 2023 sa mga alkalde, maging sa Local School Board ng lalawigan ang epektibong implementasyon ng education system sa mga pampublikong paaralan.
Ito ay bilang tugon ng ama ng lalawigan sa nakababahalang pagbaba sa literacy rate at ang paglobo ng bilang ng non-reader learners o mga hindi nakakabasa na mag-aaral sa lalawigan.
Ayon kay Claire Lunas, Consultant on Education ng PGC, base sa latest na survey, 12.72% o 29,529 sa 231,667 na naka-enrol sa mga pampublikong paaralan sa Cagayan ay hindi nakakabasa, at base rin sa 2017-2018 Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA), ang lalawigan ng Cagayan ay may literacy rate na 49.52%.
Aniya, nakakabahala umano ang resulta ng survey kung kaya’t napakalaking tulong umano ang EO No.1 ng ama ng lalawigan upang mabigyang prayoridad ang naturang problema.
Kaugnay nito, umaasa si Lunas na susuportahan ito ng mga Local Chief Executive, maging ang mga magulang, dahil ayon sa kanya, malaki rin ang kanilang tungkulin para sa pagmo-monitor ng kanilang mga anak para makamit ang dekalidad na edukasyon.