Namistulang true-to-life video game at anime show ang entablado ng Robinsons Place Tuguegarao nang rumampa ang mga cosplayer kanina, Hunyo 16, 2023 para sa “Cos-Fiesta” event na handog ng Robinsons at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang bahagi ng selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan.
Suot ang kanilang creative costumes at props mula sa kanilang paboritong karakter sa anime show, video games, cartoons, at maging sa mula sa mga libro nagbigay aliw at saya ang mga cosplayer na mula sa Region II Cosplayer Association o RIICA.
Dinumog ng mga mall-goer ang mga cosplayer na may mga karakter na kanilang napapanood sa mga video games tulad ng Genshin Impact, Resident Evil, at Mobile Legends; at anime shows tulad ng Chainsaw Man, Attack on Titans, Demon Slayer, Hunter x Hunter, at Kakegurui. Ilan sa mga kilalang karakter na kinagiliwan ng mga tao ay si Scaramouche, Venti, Tanjiro, Nahida, Kaveh, Nezuko, Rauden Shogun, Chainsaw Man, at marami pang iba.
Dinaluhan naman ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang Unang Ginang at ang Chairperson ng Steering Committee ng Aggao Nac Cagayan 2023 ang programang ‘”Cos-Fiesta” kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng sumuporta sa aktibidad, maging ang iba pang mga aktibidad ng mahigit isang buwang pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan.
Kanya drng pinasalamatan ang cosplayers na nagbigay aliw sa mga manonood at pamunuan ng Robinsons Place Tuguegarao na nagsilbing event place at sponsor ng ilang mga aktibidad ng Aggao Nac Cagayan.
Samantala, naging highlight ng “Cos-Fiesta” ang contest sa pagrarampa at sa skit ng mga cosplayer sa entablado.
Agaw-pansin naman si Denzo Queman, ang pinakabatang cosplayer sa edad na dalawang taon lamang. Siya ay nakabihis bilang Chainsaw Man at sumabay sa kanyang tiyuhin na si JC Garcia na rumampa sa entablado.
Ayon kay Charlie Lunnay, (Cosplayer Name: Xiarl) ang founder ng RIICA, unang itinatag ang kanilang grupo noong 2022. Nagsimula lamang aniya sa halos walong miyembro at ngayon matapos ang isang taon ay masa higit 100 na ang mga miyembrong cosplayer.
Si Lunnay ay isang freelance artist sa Tuguegarao City na nag-umpisa sa cosplay noong 2018. Naisipan niyang itayo ang grupo kasama ang ilang mga founding member upang tipunin ang mga indibidwal na tulad niyang may hilig sa cosplay.
Sambit naman ni Ed Vincent Rosete (Cosplayer Name: Koya Ed), isang Disc Jockey, talagang hilig ang cosplay para sa kaniya. “It’s fun to wear the character you like and the community of cosplayers that you meet, who like you have a common passion”. sambit niya.
Para naman kay Kalyza Nicole Rouselle Kanapi (Cosplayer Name: Lomii), masaya ang cosplay lalo kapag napapasaya ang ibang tao. “Bringing joy to people through cosplay makes it fulfilling for us cosplayers,” aniya.
Si Reign Celestine Aresta (Cosplayer Name: AnsNova) ay isang cosplayer at artist na nag-display ng kaniyang mga merchandise sa event kabilang ang kaniyang arts and crafts at goodies. Isang 14-year old na mag-aaral si Aresta mula sa Tuguegarao City Science High School at kanyang nabanggit na nagsimula ang kaniyang hilig nang isa sa kanyang guro sa eskwela ay nagpa-perform sa kanila ng cosplay.
“I like meeting new people and I love it when people recognize my character. It’s very fulfilling because it combines my passion of art and make up and performing,” pahayag pa ni Aresta.