Kasalukuyang nasa Laoag City, Ilocos Norte ang mga delegasyon ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) para sa Pre-Palaro Qualifying Meet.
Ayon kay Consultant on Education ng Provincial Government of Cagayan na si Claire Lunas, mahigit 320 na delegado ang mula sa rehiyon kung saan 101 ay mula Schools Division Office (SDO) Cagayan ang nagtungo sa Ilocos Norte noong Hulyo-17 para sa pre-palaro.
Ang pre-palaro ay binuo sa pamamagitan ng atas ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte upang malimitahan ang bilang ng mga manlalaro na maipapadala sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Marikina City sa katapusan ng Hulyo.
Sinabi ni Lunas na kabilang sa mga laro sa pre-palaro ay ballgames o group events gaya ng basketball, volleyball, baseball, futsal, at sepak takraw.
Kahapon, una na rin umanong sumabak ang ilang mga atleta ng rehiyon sa pre-palaro gaya ng baseball sa elementary category.
Kaugnay rito, umaasa ang Department of Education (DepEd) Region 2 na mangunguna ang CAVRAA delegation kasunod ng pagsisimula ng clustered palaro na sinalihan ng mga delegasyon mula sa Region 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR). ###
NOTE: This article is originally written in Filipino. Hence, please expect translation mistakes if your phone is on “automatic google translate”.