Opisyal ng pinailawan ang mga solar-powered street lights sa St. James the Apostle Parish sa Iguig, Cagayan sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba, Mayor Ferdinand Trinidad, at sa pagbasbas naman ni Rev. Fr. Abad, ngayong gabi ng Biyernes, Hulyo 28, 2023.

Ayon kay Engr. Kingston James Delacruz, Provincial Engineer, nasa 28 units ng street lights ang ipinakat sa palibot ng nasabing simbahan at pook pasyalan. Tiniyak rin nito na ang mga ilaw ay dekalidad kung saan maaaring magtagal ng hanggang tatlong araw ang ilaw nito na nasa 150 watts kahit na hindi na-charge.

Ayon naman kay Gov. Mamba, kanya itong ginagawa para sa mga kabataang Cagayano upang magkaroon ng papasyalan sa halip na malulong na lamang sa mga gadget at sa iba pang mabagay na nakasasama sa kanilang kalusugan. Inihalintulad niya ang pagsasaayos sa Rizal Park at Cagayan Sports Coliseum sa lungsod ng Tuguegarao na aniya’y pinupuntahan na ngayon ng mga kabataan.

“Dagitoy ar-aramiden tayu ket para kadagiti anak tayo. Tapnu haan nga tila adda ti pagtawtawatawan da, nu dadduma nakakulong da laeng ti kwarto ag chachat,” sambit ng ama ng lalawigan.

Nagpasalamat naman si Mayor Trinidad kay Gov. Mamba dahil sa mga proyekto ng kanyang adminsitrasyon lalo na sa pagkokongreto sa lahat ng daan ng bayan at ang pagbubukas ng daan na magkokonekta sa bayan ng Iguig at sa Baggao.

Nanlumo naman ang alkalde sa pagkadelay ng badyet ng probinsiya na dahilan aniya ng kanilang pag-alinlangan na humingi rin ng tulong sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Samantala, ang paglalagay ng mga ilaw ay pinondohan sa ilalim ng tourism fund ng Pamahalaang Panlalawigan.

Nakasama rin sa seremonya ang Bise Alkalde ng bayan na si Juditas Trinidad, mga lokal na opisyal, barangay at empelyado ng Local Government Unit (LGU) ng Iguig.