GOB. MAMBA, HINIMOK ANG

HALOS 6,000 NA MGA MANLALARO AT MGA OPISYAL NA MAGKAISA SA MGA HAMON NG PROBINSIYA

“To the athletes, do your best, participate and enjoy. Sa mga matatalo, accept defeat. Huwag kayo magtampo because you will learn and you will be better. And to those who will win, be humble.”

Ito ang mensahe ni Governor Manuel Mamba sa kanyang pagdalo sa Cagayan Provincial Athletic Association (CPAA) 2023 bilang panauhing pandangal, na ginanap sa Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City, ngayong araw, March-09.

Muling hinimok ng ama ng lalawigan ang pagkakaisa sa lahat ng mga dumalo sa pagbubukas ng aktibidad. Ayon sa Gobernador marami ang problema na kinakaharap ngayon at sana ay magkaroon umano ng pagkakaisa upang mapagtagumpay ang mga suliranin. Mensahe ito ng ama ng lalawigan dahil sa usaping Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Aparri-6 na kinakaharap na problema ngayon ng probinsiya.

Kanya ring hinikayat ang mga magulang na bumawi sa mga anak sa naging epekto ng pandemiya na dulot ng Covid-19 katulad ng pagkalungkot o depression.

“Magkaisa tayo para makahabol tayo sa mga pagkukulang natin lalo na sa mga anak at sa ating mga sarili. It is incumbent to all of us na ihabol ang mga anak natin. Sila ang pag-asa natin. They are the future, that is why we have this,” sambit ng ama ng lalawigan.

Muli ring binigyang-diin ni OIC-Regional Director Florante Vergara ng Department of Education Region 02 na kailangan ang pagkakaisa para makamit ang tunay na “Cagayan, Number 1.”

Samantala, aasahan naman na magtatagisan ang mga manlalaro mula elementarya at sekondarya sa iba’t ibang larangan ng palaro. Ang mga delegado mula sa Congressional District 1 ay nasa 2,000 na pangungunahan ni Assistant Schools Division Superintendent (ASDS) Romel Libang at CD President Leo Casauay; habang sa 2nd CD naman ay nasa mahigit 2,000 sa pamumuno naman ni ASDS Chelo Tangan at CD Pres. Francisco Conag. Ang 3rd CD ay mayroong kabuuang 2,108 na pamumunuan naman ni ASDS Wilma Bumagat at CD Pres Jorge Taguinod.

Kabilang sa mga laro sa provincial meet ay ang Archery, Arnis, Athletic Runs, Jump Throws, Badminton, Billiard, Basketball, Baseball, Chess, Football, Futsal, Gymnastics (Magwag, RG, Aero), Pencak Silat, Sepak Takraw, Softball, Swimming, Table Tennis, Taekwondo, Volleyball, Tennis, Wresting, Boxing, at Wu Shu.

Sinimulan ang makasaysayang pagbabalik ng full force CPAA meet 2023 sa pamamagitan ng raising of flags ng mga competitor, Oath of Sportsmanship, at ang opisyal na pagbubukas sa pangunguna naman ni Cagayan Schools Division Superintendent Orlando Manuel.

Magtatagal ang nasabing palaro hanggang Marso-12 kung saan gaganapin rin ang closing program at awarding sa Cagayan Sports Complex.

Ang pagbubukas ng palaro ay dinaluhan ng iba’t-ibang Local Chief Executives at representatives, PGC Consultants at Department Heads sa pangunguna ni Clarita Lunas, Consultant on Education; 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, mga magulang at mga guro.