Nakatutok ngayon ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pagtulong sa mga barangay sa probinsya para sa pagkakaroon ng roll-out plan o Barangay Resiliency Plan.
Ayon sa PDRRMO layunin nito na maihanda ang mga barangay sa mga dapat gawin sa tuwing may kalamidad o sakuna sa mga barangay sa lalawigan.
Isa sa mga hakbang ngayon na ginagawa ay ang Seminar-Workshop sa 3R Campaign o Risk Reduction and Resilience ng PDRRMO sa ibat-ibang bayan katuwang ang Department of Science and Technology (DOST) Region 02.
Kasalukuyang nag-iikot ang grupo at kahapon ay isinagawa ito sa bayan ng Allacapan para sa dalawang araw ng cluster 2 seminar- workshop.
Nilahukan ito ng 100 indibidwal na kinabibilangan ng mga barangay officials, Municipal DRRM at MPDOs na mula sa bayan ng Allacapan, Ballesteros, Abulug at Aparri West.
Itinuro sa mga kalahok ang mga hakbang ng mga responder sa oras na makaranas ng lindol, tsunami at iba pang kalamidad o sakuna sa nasasakupang lugar.
Ang kahalintulad na aktibidad ay gagawin pa sa limang cluster mula sa mga magkakalapit na bayan o MDRRMO.
Matatandaan, unang isinagawa ang seminar-workshop sa bayan ng Sanchez Mira noong Hunyo 21, 2023 na nilahukan din ng mga MDRRMO at mga opisyales ng Barangay.